Isinusulong ng Department of Health (DOH) ang work rotation at tamang work scheduling upang masiguro ang mental health wellness ng mga manggagawa sa kalagitnaan ng global health emergency.
Iginiit ni Health Undersecretary Maria Rose Vergeire ang pangangailangan ng mga tao kasama na ang mga manggagawa na makahanap ng balanse sa pagitan ng trabaho at iba pang aspeto ng buhay.
Ani Vergeire, dapat na isulong ang work-life-balance lalo na ngayon sa pamamagitan ng proper scheduling ng mga trabaho at workplace rotation.
Dagdag pa nito, may responsibilidad ang mga employer na pagbutihin ang physical at mental resilience ng kanilang manggagawa at iginiit nito na kailangan din nilang maglaan ng sapat na mental health program sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Matatandaan na nauna nang nag-isyu ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng supplemental guidelines na magre-require sa mga establisimyento na magpanukala ng lahat ng kailangang safety at health programs para sa kanilang mga empleyado.
Sa ilalim ng nasabing guidelines, sinabi ng DOLE na dapat na maglaan ang mga employer ng psychosocial support sa kanilang mga empleyado.