KILALA ang vitamin D bilang sunshine vitamin dahil na rin sa nakukuha ito sa araw. Ngunit, kahit na nga parang napakadali nang makuha ito, maraming tao pa rin ang kulang sa vitamin D sa katawan. Kaya naman marami sa atin ang umiinom na lang ng Vitamin D supplements. Napag-alaman sa mga eksperto na nakakatulong ito upang mapabuti ang kalusugan ng puso.
Ayon sa pag-aaral ng mga international researcher na inilathala sa Journal of Human Nutrition and Dietetics, ang diyeta na mayaman sa vitamin D ay maaaring magdulot ng kabutihan sa kalusugan ng puso. Kaya’t inimungkahi ng naturang pag-aaral ang pagkain na maraming vitamin D-rich food o pag-inom ng mga supplement para na rin sa proteksyon ng mahalagang bahagi ng katawan na ito.
Ayon pa rin sa nasabing pananaliksik, ang kakulangan sa vitamin D ay may kinalaman sa mataas na tyansa ng pagkakaroon ng cardiovascular disease, tulad ng hypertension at heart failure.
Pag-aaral ukol sa vitamin D sa katawan
Nais ng pag-aaral na ipakita ang kaugnayan sa pagitan ng pag-inom ng vitamin D at unang sampung taon ng nakamamatay at hindi nakamamatay na cardiovascular disease, mga karaniwang panganib na nauugnay sa pagkakaroon ng pamamaga, coagulation, insulin resistance, maging ang liver at renal function. Maliban sa epekto ng vitamin D sa kalusugan ng puso, napagalaman din na ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa bitaminang nabanggit ay nakatutulong upang masipsip nang mabuti ng katawan ang intestinal calcium para sa pagpapatibay ng ating mga buto.