Inaasahang bababa ng 5-6% ang unemployment rate ng Pilipinas oras na maging available na ang COVID-19 vaccine sa bansa.
Ito ang inihayag ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda kasunod ng pinakahuling quarterly labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan bumaba ng 8.7% ang unemployment rate sa bansa sa third quarter ng taon.
Tiwala si Salceda na ang naturang pagbaba ng datos ng mga walang trabahong Pinoy ay dahil na rin sa unti-unting pagluwag ng quarantine restrictions.
Kaya naman kumpyansa ang mambabatas na oras na maging available na ang COVID-19 vaccine ay magtuloy-tuloy pa ang pagbaba ng bilang ng mga unemployed Pinoy gayung makababalik na sa normal ang pamumuhay ng mga tao.
Sa kabila nito, iginiit ni Salceda na kailangan pa rin ang pagpapasa ng Bayanihan 3 upang mas mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya.