Bagama’t tuloy ang banta ng pandemyang dulot ng coronavirus, matagumpay na nairaos ng NBA ang 2019-2020 NBA season.
Puno ng samu’t-saring kwento at laban ang liga na siyang nag-iwan ng mga panibagong kwentong kapupulutan ng inspirasyon.
Sa ipinakitang gilas, hindi maiwasang mapansin ng marami ang manlalarong si Duncan Robinson ng Miami Heat. Ngunit sino nga ba siya?
Isang manlalarong hindi alam ang pinagmulan at walang ekspektasyon ang pumukaw sa mata ng mga manunuod.
Sa kasalukuyan, isa siyang lehitimong tirador mula sa three-point line ng NBA. Maraming mahuhusay na shooter sa liga ngunit pinatunayan ni Robinson na kaya niyang makipagsabayan sa mga ito at maging epektibong sandata ng koponan.
Ang kaniyang pagiging asintado sa mabilisang bitaw ng bola ay inihahalintulad ngayon sa Golden State Warriors star na si Klay Thompson.
Ngunit bago makamit ang tinatamasang pagkilala ngayon, mabigat ang daang tinahak ni Robinson patungo sa kaniyang pangarap.
DIVISION III patungong NBA
Sino nga ba si Duncan Robinson at bakit naani niya ang respeto ng liga at ng mga tao?
Ang 6’7” shooting guard ay isang manlalaro mula sa Williams College Ephs, isang koponan sa NCAA Division III ng Amerika.
May kahulugan ang bawat dibisyong ito. Sa dibisyong kinabilangan ni Robinson ay mga koponang hindi kayang makipagkompetisya sa ibang schools at universities sa US.
Sa madaling sabi ay sila ang mga mahihinang manlalaro at koponan. Mababa rin ang ekspektasyon sa kanila.
Marahil ay nakatulong ang ganitong kalagayan kay Robinson matapos alisin ng NBA ang mga fan sa panunuod ng live upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit.
Sanay itong maglaro sa walang taong gym dahil hindi sila sikat nung kolehiyo.
Ngunit hindi hinayaan ni Robinson na manatili siya sa Division III. Pinatunayan niyang kayang baguhin ng ensayo at dedikasyon ang hinaharap ng isang manlalaro kahit saang dibisyon man ito nabibilang.
Matapos dalhin sa Finals ang Williams College Ephs ay lumipat ng Michigan Wolverines ng Division I.
Nakakuha siya ng scholarship sa koponan dahil sa potensyal nito kung saan itinanghal siyang Rookie of the Year ng Division III.
Sa pagtungtong nito sa Division I ay mas lumapit siya sa pangarap ngunit mas tumindi ang kaniyang kompetisyon.
Mas nakilala ang kaniyang three-point shooting sa loob ng tatlong taon niya sa Michigan.
MUNTIK NA PAGSUKO
Ngunit bago pa man matapos ang kaniyang kolehiyo ay tila naramdaman na ni Robinson na hindi niya maaabot ang pangarap na maging NBA player.
Kamakailan ay inilabas ni Mark Titus ng The Ringer na kinontak siya ni Robinson bago matapos sa Michigan upang mag-apply bilang staff writer o isang sports analyst.
Subalit hindi ito natuloy, at tila tadhanang sinadyang hindi siya napasok dahil mas malaki pa ang kaniyang hinaharap.
Sinubok niya ang NBA draft noong 2018 ngunit walang koponan ang nagka-interes sa kaniya.
Isa siyang lehitimong shooter ngunit sa tingin ng iba ay medyo malamya ito sa depensa.
Nagkaroon siya ng workout sa Los Angeles Lakers ngunit hindi niya nakuha ang puso ng mga ito.
Tanging Miami Heat ang nagtiwala at naniwala sa kakayahan ni Robinson at kinuha siyang myembro ng koponan bilang isang undrafted player.
Walang nakakakilala sa kaniya noon, ngunit agad niyang pinakita na nararapat siya sa liga ng mga pinakamagagaling.
Sa unang taon niya sa Heat ay naging parte siya ng All-Star Three-Point Shoot Out. Bigo man manalo ay nanatili ang kumpyansa ni Robinson. At sa kaniyang ikalawang season ay tila nakahanap na siya ng kasangga, tila “splash brother 2.0.”
Sa pagdating ni Tyler Herro sa Heat ay mas umangat ang laro ni Robinson.
Ang catch-and-shoot player ay nagtala ng 270 three-pointers sa 2019-2020. Ikaapat na pinakamarami sa buong liga. Siya na rin ang may hawak ng franchise record ng Miami Heat bilang manlalaro na may pinakamaraming three-points sa isang season. Siya rin ang tanging undrafted player na may pinakamaraming tres.
At sa katatapos na Finals ay naging krusyal ang posisyon nito upang pantayan ang powerhouse team na Lakers.
Napahanga ni Robinson ang mga manunuod at maging ang mga analyst dahil sa kaniyang kumpyansa. Tinurok ng mga asintadong tikada niya sa labas ang Lakers kung kaya’t hindi maiwasan ng kalaban na paghandaan siya sa bawat laro.
Isang respeto ang pagtuonan ng pansin sa depensa. Ibig sabihin lamang nito ay isa si Robinson sa mga nagdadala ng laro para sa Heat.
Bigo man makuha ang kampeonato ay naging mahusay na aral at karanasan ang naging NBA Finals.
Ang mas nakakatakot dito ay nagsisimula pa lamang sila. Malaki pa ang maihuhusay nito sa parating na mga season.
Hindi na kataka-takang sa susunod ay katabi na niya ang mga pangalan nina Stephen Curry, Klay Thompson, Ray Allen at Reggie Miller sa usapang sino ang pinakamahusay na shooter sa kasaysayan ng NBA.
Tiwala sa sarili, lakas ng loob at determinasyon ay mga puhunang ibinigay ni Robinson para sa tinatamasang kasikatan ngayon.
Mula sa pagiging Division III player tungo sa isa sa mga mahuhusay na shooter ngayon.