Pinadapa ng dalawang malupit na bagyo ang Pilipinas nitong Nobyembre. Bilyon-bilyong halaga ng ari-arian at sakahan ang winasak ng malakas na bugso ng hangin, mabigat na buhos ng ulan, at malawakang pagbaha sa Luzon.
Tinatayang nasa 2.3 milyong katao ang naapektuhan ng hagupit ng kalikasan sa walong rehiyon. Mahigit 23,000 individual ang na-displace sa evacuation centers; lampas 46,980 naman ang displaced sa labas ng mga evacuation sites.
Siniguro ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na gagawin ng pamahalaan ang lahat para matulungang makabangon ang mga nasalanta ng mga bagong Rolly at Ulysses.
“As President, I guarantee you that your government will do its best to provide assistance in the form of shelters, relief goods, financial aid, and post-disaster counselling. Rest assured; the government will not leave anybody behind,” aniya.
At makakamit umano ito kung magtutulungan ang lahat.
“We will get through this crisis. Kapit po tayo mga kababayan. Magbayanihan tayong lahat.”
Subalit marami ang tila nasorpresa nang hindi nagtugma ang essence ng pahayag na ito ng Pangulo sa kanyang pagbira kay Vice President Leni Robredo sa national television. Inakusahan ng Pangulo si Robredo na nagpapakalat ng kasinungalingan at pinalalabas na “missing in action” ang Chief Executive habang binabayo ng bagyo ang bansa, kasabay ang pagtrend sa social media ang hashtag na #nasaanangPangulo.
Nagtaka ang marami bakit pinaglaanan pa ng panahon ng Pangulo na i-bash si Robredo, gayong na-appreciate ng madla ang kanyang relief efforts sa mga lugar na nasalanta ng bagyo, sa tulong din ng ilang NGO at sangay ng gobyerno.
Ang masaklap pa ay maling impormasyon ang naging basehan ng tirada ni Duterte, bagay na inamin at inihingi ng paumanhin ng nina Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ang claim kasi ni Panelo, batay umano sa report ni Lorenzana, lumipad si VP Leni sa Catanduanes gamit ang C-130 plane ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na may lamang relief goods at pinalabas na sa kanya galing ang mga ipinamahaging ayuda.
Pero AFP mismo ang nagsabi na wala namang issue sa kanila kung gamitin man ng ikalawang pinakamataas na lider ng bansa ang eroplano ng gobyerno.
Marami rin ang dismayado sa pamumulitika ng ilan sa mga relief efforts na ginagawa ng magkabilang panig na tila paghahanda para sa 2022 election.
Ang mga kritiko naman ng administrasyong Duterte ay tila walang nakikitang mabuting aksyon ng gobyerno sa nangyaring kalamidad sa kabila ng disaster relief efforts at kahit na mas mababa ang bilang ng mga nasawi sa mga bagyong Rolly at Ulysses kumpara sa mga bagyong Yolanda at Ondoy.
Sa panahon ng krisis, hindi kailangan ng mamamayan ang mga pahayag na nagdudulot ng pagkakawatak-watak ng isipan at damdamin. Ang mga batuhan ng putik ay hindi makakabusog sa mga kumakalam na tiyan. Hindi maibabangon ng mentalidad na “kami kontra kayo” ang bansang pinadapa ng unos. At ang pananamantala sa panahon ng krisis at kalamidad para isulong ang political agenda para sa 2022 Election ay nakakasuka.
Itabi na muna ang pulitika at magkaisa na. Magbayanihan sa pagtulong sa bayan sa halip na magbangayan.