Para mapigilan ang pagkalat ng virus, kasalukuyang nagde-develop ang bansang Japan ng tracking system para sa mga travellers mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Takuya Hirai, digital transformation minister, wala umanong halaga ang pag-iingat na hindi makapasok sa bansa ang virus kung hindi ipatutupad ang tracking system kaya’t hindi papayagang makapasok sa bansa ang hindi gagamit ng bagong sistema sakaling ipatupad na ito.
Target ng pamahalaang Japan na makumpleto ang development ng tracking o monitoring system sa rescheduled na Tokyo Olympics at paralympics na tinatayang gaganapin sa susunod na taon.
Hindi na nagbigay pa ng mas malalim na detalye si Hirai ngunit sinabi nitong gagana ito sa pamamagitan ng paggamit ng Global Positioning System Technology.
Maaring ipatupad na ang bagong sistema simula sa Lunes sa unang linggo ng Enero taong 2021 dahil sa mas malala o mas mabilis na pagkalat ng new strain virus.
Bukod sa tracking system ay ipatutupad din ng bansa sa national at foreign na mga residente ang dalawang linggong quarantine at negative test result sa loob ng 72 oras ng kanilang departure o pag-alis sa bansa at isa pang pagsusuri sa kanilang pagdating o arrival.