Paalala ng Malakanyang sa mga may-ari ng mga tiangge ngayong Christmas season kagaya na rin ng ipinatupad ng mga local government unit (LGUs) sa mga mall na bigong mapanatili ang minimum health standards tulad ng physical distancing ng kanilang mga mamimili ay maaari itong ipasara.
“Kung maaalala ninyo, noong tayo ay unang-unang nagluwag ay talagang dinagsa ng tao ang mga malls at mayroong mga malls na isinara ng mga lokal na pamahalaan. So iri-remind ko lang ang mga tiangge operators, pwede kayong mapasara kapag hindi ninyo in-observe ang social distancing,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Aniya, pwede namang limitahan ng mga operator ng tiangge ang bilang ng mga mamimili na pumapasok sa kanilang pwesto kung saan maigi aniyang magtalaga ang mga ito ng entry at exit point.
Kaugnay nito, nanawagan ang kalihim sa publiko na pag-ingatan pa rin ang kalusugan habang namimili ngayong holiday season upang magkaroon ng maligayang pagdiriwang ng nalalapit na araw ng Kapaskuhan.
Dagdag pa ni Roque, responsibilidad naman ng mga LGU na siguraduhing hindi nagdidikit-dikit ang mga mamimili sa mga tiangge na nasa mga gilid ng kalsada.
Kaugnay nito, inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno na istrikto ang kanilang pagpapatupad ng health protocols kasama na ang pagpapa-ibayo ng kanilang health facility para tugunan ang pangangailangan ng kanyang nasasakupan sa gitna ng pandemya.
Sambit pa ng alkalde, naka-antabay na sila sakaling biglang sumirit ang kaso ng COVID-19 sa kanilang syudad bunsod ng nalalapit na Kapaskuhan.
Kasabay naman nito’y umapela si Moreno sa publiko na sumunod sa umiiral na safety measures lalo na sa mga pamilihan partikular sa Divisoria.
Una nang napabalitang isang linggo bago sumapit ang Disyembre ay biglaan ang pagdagsa ng mga taong namimili sa Divisoria.