MADALAS may kasamang pathogens ang mga poultry na pagkain tulad ng manok. Nand’yan ang banta ng salmonella at campylobacter kung hindi malinis at nalutong maigi ang paborito nating fried chicken, tinola at iba pa. Sa katunayan, ayon sa isang pag-aaral, kalahati ng mga nagluluto sa bahay ay hindi sigurado kung ligtas kainin ang mga ito.
Sa pag-aaral na ginawa ng Trusted Source mula sa Norwegian Institute of Food, Fisheries and Aquaculture Research, napag-alamang may ilang proseso ng pagluluto ng manok ang masasabing hindi ligtas.
Paano matitiyak na luto ang manok
Isinailalim sa pag-aaral ang 3,969 na kabahayan mula sa limang bansa sa Europa upang malaman kung paano nila tinitiyak kung lutong-luto na ang manok at ligtas nang kainin. Ilan dito ay tinitignan lang ang kulay ng laman o katas nito upang matiyak kung luto na tulad ng ginagawa ng marami.
Ngunit, ayon sa mga mananaliksik, nagbabago ang kulay ng laman ng manok kahit pa nga sa mataas na temperatura ng lutuan na hindi pa rin kayang patayin ang mga dala nitong pathogens tulad ng salmonella at campylobacter.
Ayon sa United States Department of Agriculture (USDA), ang mga ligtas nang kaining lutong manok ay iba-iba ang kulay. Pwede itong puti, rosas o kulay balat.
Paggamit ng thermometer
Dagdag pa ng mga mananaliksik, maaaring manatiling buhay ang bacteria sa manok kahit luto na ito. Bunsod nito, iminumungkahing gumamit ng alternatibo o iba pang paaran ng pagluluto upang makasigurong ligtas itong kainin.
Sinasabing makakatulong ang paggamit ng thermometer, ngunit hindi lahat ay meron nito. Sa katunayan, isa sa 75 kabahayan lamang ang gumagamit nito sa pagluluto ng manok.
Sang-ayon ang mga eksperto sa paggamit ng thermometer upang tiyaking ligtas nang kainin ang manok. Kailangang may init na 165°F o 74°C ang lutuan, sabaw, mantika o anumang gamit upang lutuin ito upang masabing ligtas na itong kainin. Tinutukoy din na mas ligtas itong gamitin kumpara sa anumang clock timer.