Bukas para kay Sen. Christopher Bong Go ang tulong mula sa United Nations Human Rights Council o UNHC para matugunan ang usapin sa human rights hinggil sa laban sa iligal na droga.
Oktubre a-7 nang i-adopt ng UNHC ang isang resolusyon para sa pagbibigay ng technical assistance sa bansa kung saan ang opisina ni UN Rights Chief Michelle Bachelet ay inaatasang suportahan ang Pilipinas bilang bahagi ng commitment sa international human rights obligations nito.
Ito ay nakatuon sa domestic investigative and accountability measures, sa data gathering sa mga diumanong paglabag ng mga pulis, at ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng civil society at sa komisyon ng human rights.
Paguusapan din dito ang national mechanism para sa pagreport at follow up ng counter-terrorism legislation at mga human rights-based approach para sa pagkontrol sa droga.
Sinabi ni Go na magbibigay daan ito para matukoy ang isyu ng human rights pagdating sa pagsugpo sa iligal na droga sa bansa.
Dagdag pa ng senador na mapapatibay nito ang mekanismo at institusyon sa bansa tulad ng judicial system sa pagtutok sa nasabing usapin.
Samantala, sinabi ni Go na patuloy ang tiwala ng mga tao sa ahensya ng gobyerno pagdating sa kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ay nasa 176,777 anti-illegal drugs operations ang isinagawa nito simula Hulyo 2016 hanggang buwan ng Agosto ng kasalukuyang taon. Sa kanilang operasyon ay nasa 256,788 ang kanilang naaresto.
Nasa 620 na mga drug dens at laboratoryo ang kanilang sinira at 3,322 na mga batang edad mula 7 hanggang 17 ang nasagip sa nasabing mga drug operations.
Hinikayat naman ni Go ang international community na labanan ang illegal drug trade batay na rin sa panawagan ni Pangulong Duterte sa kaniyang first address sa UN Gen. Assembly na ang open dialogue at constructive engagement ang susi para sa problema sa iligal na droga. Nangako naman si Go na patuloy na susuportahan ang kampanya ng administrasyong Duterte.