Hindi lahat ng nagtatrabaho ay nagagawang maging produktibo sa kanilang oras lalo na kung tambak ang iyong gawain at hindi mo alam kung anong dapat mong unahin.
Para maging produktibo sa iyong trabaho kinakailangan mong gumawa ng listahan o plano kung anong trabaho ang iyong prayoridad at kinakailangan ng agarang aksyon.
Minsan o madalas ay mas nauuna pa nating gawin ang mga bagay na hindi naman kinakailangang unahin o pwedeng ipagpaliban kaysa sa mga bagay na kailangan bigyan agad ng oras at panahon dahil mas importante ito.
Para mas maging mabilis ang trabaho at magawa ito nang maayos ay kinakailangan mong gumawa ng “to do list”. Sa pamamagitan nito ay malalaman mo ang iyong prayoridad.
Kumuha ng isang malinis na papel at simulang isulat ang iyong “to do list” kung saan pwede mo itong hatiin sa tatlo:
1. DO
Ito ang mga bagay na urgent o mahalaga at hindi dapat na ipagpaliban. Ito rin ay maaring personal o ikaw lamang ang pwedeng gumawa at hindi ang ibang tao gaya ng pagpaplano ng goal mo sa buhay, pag-eexercise at pagpili ng mga pagkain na maganda sa iyong kalusugan o pagpunta sa mga meeting at okasyon kasama ang pamilya at kaibigan.
2. DELAY
Mga bagay na kinakailangan gawin sa nararapat o nakatakdang araw. Gaya ng meeting o proyekto na may deadline sa susunod na linggo o buwan. Pagkakaroon ng family vacation o reunion.
3. DISCARD
Kapag naisulat mo na lahat ng kinakailangan mong gawin sa “to do list” sa dalawang bahagi ng “do” at “delay” ay saka mo malalaman na marami palang bagay kang ginagawa na hindi naman talaga importante at aksaya lamang sa iyong oras at pera. Alisin mo na ito sa iyong isip at magfocus ka sa mga trabaho o bagay na kailangan mong tapusin.
4. DELEGATE
May mga bagay na pwede mong ituro sa ibang tao para mabawasan ang iyong load sa trabaho. Halimbawa, kung ikaw ay isang manager maaari mong ituro sa iyong mga tauhan at ipagkatiwala sa kanila ang ibang mga gawain na maari nilang gawin. Siguraduhin mo lamang na sila ay responsable rin para tiyak na magawa nila ang trabaho nang tama.
Magkaroon ng disiplina at pokus sa trabaho
Kung nagawa mo ng tapusin ang mahahalagang trabaho, pagisipan mo naman at pagplanuhang mabuti ang iyong susunod na gagawin na nasa listahan ng “delay” para unti-unti mo na itong matapos bago pa ang itinakdang araw para dito, sa gayun ay sigurado kang magagawa mo ito at matatapos bago ang deadline. Mas mahalaga na advance ka sa trabaho kaysa late.
May mga pagkakataon na nawawala tayo sa focus lalo na at nalilibang tayo kaya mahalaga rin na magkaroon ka ng calendar o di kaya ay reminder sa iyong cellphone na kailangan mong tapusin ang iyong trabaho.
Mahalaga rin na tanggalin ang mga bagay na nakakawala sa ating focus sa trabaho gaya na lamang ng pagbababad sa online o internet, pag browse sa social media gaya ng Facebook at twitter gayundin ang paglalaro online na karamihan ay aminadong naa-adik na kaya’t mas marami pa silang nagugugol na oras sa paglalaro kaysa sa pagtatrabaho o pag-aaral.
Huwag lang ilista ang mga kailangan mong gawin kundi simulan mo na dahil hindi magkakaroon ng resulta ang iyong “to do list” kung hindi mo ito gagawan ng aksyon.
Kung sakaling inaatake ka ng katamaran at nahihirapan kang simulan ang gawain, utusan mo ang iyong sarili na magsimula dahil habang pinapatagal mo ang iyong gawain ay mas lalo lamang itong madaragdagan. Kapag nangyari yun ay mas lalo ka lamang mababaon sa trabaho at tatamarin kaya walang mangyayari kung hindi ka magsisimula.
Isipin mo na lang ang iyong magiging future kung papairalin mo ang iyong katamaran at hindi ka magsisimulang kumilos at gawin ang mga dapat mong gawin para matapos na ito at makapagpahinga ka nang maayos at walang gumugulo sa isip.
Sikaping matulog nang mabuti o sapat sa oras at kumain ng masusustansyang pagkain.
Photo Credit: Doctordoctor
Para maging maayos ang iyong pagiisip at makapagtrabaho ka nang maayos ay kinakailangang mayroong laman ang iyong tiyan dahil ito ang nagsisilbing fuel o gasolina para makapagisip at makapagplano nang maayos sa mga dapat nating gawin. Nakakapagpalakas din ito ng ating immune system ang pagkakaroon ng sapat na tulog.
Uminom ng maraming tubig dahil ang kakulangan ng tubig sa katawan ay maaring maging sanhi ng dehydration at pagsakit ng ulo. Nakakasama rin ito sa ating mood at kakayahang magconcentrate dahilan para hindi ka makapag desisyon nang maayos.
Maglaan ng oras para makapagpahinga
Ang pagtatrabaho nang sobra ay maaring magdulot ng stress kaya naman kinakailangan mo ring magpahinga at magkaroon ng balance. Ang pinakamahusay sa trabaho ay ang mga taong marunong magpahinga. Matutong maglaan ng oras para makapag break upang marelaks ang iyong pagiisip. Maaring maglakad lakad sa park o di kaya ay sa tabing dagat, uminom ng tsaa at magbasa ng magagandang balita o di kaya ay matulog ng kahit 15 minuto. Kapag malinaw na muli ang iyong isipan ay saka mo na balikan ang iyong trabaho.