PASADO na ang pinakabagong ordinansa ng Sangguniang Panlungsod ng Valenzuela na naglalayon na magkaroon ng maingat na pagtatapon ng gamit na mga face mask at face shield upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
Nakasaad sa Ordinance Number 769 na bago ang araw ng koleksyon ng basura ay kinakailangan munang i-disinfect ang mga gamit na face mask at face shield sa pamamagitan ng paggamit ng chlorine-based solution.
Ang mga ito ay dapat ilagay sa dilaw na garbage bag o kaya naman ay kahit na anong kulay ng garbage bag pero dapat ay may nakasulat na “infectious waste”.
Ang mga mapapatunayang lalabag sa naturang ordinansa ay pagmumultahin ng P1,000 o 24 oras na community service para sa unang paglabag, multang P3,000 at 48 na oras naman para sa ikalawang beses ng paglabag, at P5,000 na multa o 72 oras na community service naman sa ikatlong beses ng paglabag.