Photo Credit: WIKIMEDIA COMMONS
SA kabila ng tumataas na kaso ng COVID-19 ay hindi pa rin naniniwala ang mga awtoridad sa Sweden na kinakailangan ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Ipinahayag ng mga awtoridad sa kalusugan ng Sweden ang kanilang pag-aalinlangan sa pagsusuot ng face mask sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso sa bansa.
Ayon kay Karin Tegmark Wisell, head ng public health agency sa Stockholm na wala umano itong nakikitang kadahilanan para irekomenda ng gobyerno ang pagsusuot ng face masks sa pampublikong transportasyon.
Ang pahayag na ito ay umani naman ng malaking kritisismo mula sa Royal Swedish Academy of Sciences at dinepensahan na kinakailangan na ang pagsusuot ng face mask.
Ayon pa kay Staffan Normark, microbiology professor ng nasabing academy, upang mabawasan ang transmisyon ay kinakailangang gumamit tayo ng mga bagay na makakatulong rito gaya ng mask at maayos na bentilasyon.
Matatandaan na ang Sweden ay may mas mataas na COVID death rate kumpara sa iba pang Nordic countries pero umiwas ito na magpatupad ng lockdown. Sa kabila nito ay nagpatupad lamang ng boluntaryong mga hakbang ang bansa upang maiwasan ang pagkahawa ng mga mamamayan.
Pero lumalabas sa huling infection rates ng bansa na ang estratehiyang ito ay hindi na epektibo. Nagpahayag na rin si Prime Minister Stefan Lofven na kinakailangan nang harapin ng Sweden ang taglamig na mayroong COVID-19.