GAANO nga ba kaimportante ang yakap at halik sa isang relasyon? Alam mo ba na sa isang ginawang pag-aaral, napag-alamang ang simpleng mga bagay tulad ng simpleng paghawak ay nakakatulong upang maging matibay ang isang relasyon?
Sa pagsusuri na ginawa ng Binghamton University, isang State University sa New York, sa pangunguna ng doctoral student sa psychology na si Samantha Wagner, natuklasang ang mga non-sexual touch, tulad ng yakap, halik at paghawak sa kamay ay mas nakakatulong patibayin ang pagmamahalan ng isang magkapareha.
Uri ng mga indibidwal sa isang relasyon
Ayon sa pag-aaral, ang mga avoidant individuals ay mas gusto na magkaroon ng interpersonal distance habang mga anxious individuals naman ay may nais maging malapit sa kanilang kasintahan o asawa.
“It all depends on how open, close and secure you feel with that person, which is impacted by many, many factors,” paliwanag ni Wagner.
Upang malaman ang koneksyon ng attachment style, touch satisfaction at marital satisfaction, pinag-aralan ng mga mananaliksik ang relasyon ng 184 na mag-asawa na may edad 18 pataas. Hindi kabilang dito ang mga same-sex couples at mga taong sumasailalim sa hormonal therapy dahil kailangan silang kunan ng hormonal samples. Hindi rin kasali sa pagsusuri ang mga postmenopausal, buntis at mga nagpapagatas na ina.
Magkahiwalay na kinapanayam ang mga mag-asawa ukol sa kanilang attachment tendencies, kung gaano nila kadalas hawakan ang isa’t-isa, magpakita ng affection sa kanilang relasyon at kung gaano sila kasaya sa kanilang pagmamahalan.
Dito, napag-alaman ng mga manunuri na ang mga avoidant individuals ay mas nais na hindi sila gaanong hinahawakan ng kanilang minamahal, habang ang mga anxious people naman ay mas gusto na nakadikit sa kanilang kapareha.
Affection at satisfaction sa pagitan ng mag-asawa
Ngunit, kung karaniwan nang nagpapakita ng affection ang kapareha, mas nagiging satisfied ang mag-asawa kahit pa nga sa simpleng paghawak lamang, kabilang rito ang mga may avoidant attachment styles.
Sa kabilang dako, kapag mababa ang lebel o hindi madalas ang pagpapakita ng physical affection, napag-alamang hindi satisfied ang mga mister sa simpleng hawak na kanilang natatanggap. Kabaligtaran naman ito ng mga asawang babae, kapag walang yakap, halik o hawak na nakuha si misis, sila ang gagawa nito.
“There’s something specific about touch satisfaction that interplays with relationship satisfaction,” dagdag ni Wagner.
Anomang attachment insecurities meron ang mag-asawa, ang simpleng paghawak ay maaari nang makapagpasaya sa kanila. Ibig sabihin, kung madalas ang paghawak sa kamay at pagyakap sa isa’t-isa, mas madaling mararamdaman ng kapareha ang kanilang pagmamahal.