Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga holiday shoppers kasama na ang mga nasa Divisoria na mag-ingat dahil sa mas mataas ang peligro ng COVID-19 sa mga mas matataong lugar.
Sinabi ni DOH Usec. Marie Rose Vergeire ang paalala dahil sa nagsisimula nang magsiksikan ang mga mamimili sa mga sikat na pamilihan gaya ng Divisoria para sa nalalapit na holiday season.
Dagdag nito, bagaman naiintindihan nila na sabik at gusto nang magpunta sa mga mall ng mga tao upang mamili ng pangregalo at pamasko, aniya ay nandyan pa rin ang virus.
Aniya, kahit na magsuot ng facemask o face shield ay maaari pa ring makakuha ng virus kung pupunta pa rin sa masisikip na lugar at walang social distancing.
Sa huli ay sinabi ni Vergeire na hangga’t maaari ay iwasan ang pagpunta sa mga matataong lugar at humanap na lamang ng ibang paraan kung paano ipagdiriwang ang ganitong aktibidad.