Inaprubahan na ng Senado ang mas malaking pondo na may halagang 85.6 bilyong piso para sa Department of Agriculture (DA) para sa taong 2021.
Mas malaki ito ng 29 porsyento kumpara sa naunang natanggap na alokasyon nito sa ilalim ng proposed National Expenditure Program (NEP).
Bagaman mas mababa ito ng 64% sa hiling ng ahensya na 240 bilyong pisong pondo, sinabi naman ni Agriculture Secretary William Dar na sapat ito para sustentuhan ang implementasyon ng flagship program ng ahensya na ‘Plant, Plant, Plant’ at ipagpatuloy ang modernisasyon at industriyalisasyon ng agrikultura sa bansa.
Ayon kay Senator Cynthia Villar na siyang nag-sponsor ng budget adjustment ng ahensya, tanging agri-fishery sector lamang ang nagkaroon ng positibong epekto sa sektor ng agrikultura matapos na makaranas ang bansa ng recession sa kalagitnaan ng sunod sunod na lockdowns bunsod ng pandemya.
Sinabi rin ni Villar, na sa dagdag na pondo ng ahensya, dapat nitong matugunan ang mga pagsubok na dala ng climate change at kakulangan sa teknolohiya at makina dahil kung magagawa aniya ito ay mababawasan ang high poverty rates sa mga rural na lugar.