MADALAS ka bang magising ng may marka sa mukha at magulong buhok dahil sa punda ng iyong unan? Sawa ka na ba sa ganitong itsura pagkagising mo sa umaga? Pwes! Baka eto na ang tamang oras upang magpalit ka ng punda at magsimulang gumamit ng tela na yari sa seda.
Maaari mong isipin na masyadong sosyal o abuso ang paggamit ng seda na punda ng unan. Ngunit, alam mo ba na maraming kaakibat na health benefits ang paggamit nito para sa iyong balat at buhok? Idagdag mo pa rito na isa ito sa makakapagpaganda ng iyong bagong night-time routine, ay tiyak na hindi ka magsisisi!
Benepisyo ng paggamit ng seda
Ayon kay Fiona Stewart, co-founder at CEO ng Slip®, isang tatak ng seda na punda ng unan sa ibang bansa, ang seda ay less absorbent kumpara sa ibang uri ng fiber katulad ng cotton.
Kaya naman, mas maliit ang tyansa na sipsipin ng seda ang iyong face cream tuwing gabi habang ika’y natutulog. Ang tanging magagawa lang nito ay idausdos ang iyong mukha sa makinis nitong tela buong gabi.
Bunsod nito, mananatili ang face cream sa iyong mukha at mas ma-ha-hydrate ang iyong balat na siya namang nakakatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng fine lines.
Sa karagdagan, mas makinis din ang fiber ng seda kumpara sa cotton, kahit pa nga yung mamahaling Egyptian cotton, kaya mas kaunti ang maidudulot nitong friction sa iyong buhok habang ika’y natutulog. Ibig sabihin nito, hindi ka na makakakita ng magulo at buhul-buhol na buhok pagharap mo sa salamin pagkagising mo sa umaga.
At dahil hindi sinisipsip ng seda ang moisture di tulad ng cotton, mas presko sa katawan ang paggamit ng seda na punda ng unan.
Nalalabhan ba ang seda?
Oo naman! Maaari mong labhan ang seda, ngunit may tamang paraan nang paglilinis nito upang mapanatili ang kanyang magandang kondisyon. ‘Wag kang mag-alala, hindi mahirap ang paglalaba nito.
Labhan lamang sa kamay ang seda na punda ng unan sa tubig na may init na 30°C. Tandaan: kailangang banayad ang pagkusot dito upang mas mapanatili ang kanyang kintab.
“The shinier it is, the better it will ‘slip’, which is key to its health and beauty qualities,” paliwanag ni Stewart.
Maaari kang gumamit nang panglinis ng seda o hindi matapang na non-bio detergent na sadyang ginawa para sa mga maseselan na tela. Ganun lamang kadali ang paglalaba nito.