INIHAYAG ni Russian Health Minister Mikhail Murashko na magsisimula na sa Nobyembre hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon ang mass vaccination sa mga high-risk group laban sa coronavirus.
Kabilang sa mga itinuturing na high-risk group ang mga doktor at guro sa buong bansa.
Ngayong buwan ng Setyembre magkakaroon na ng suplay ng unang bakuna para sa mga high-risk groups kaya’t maaari nang maisagawa ang planong mass vaccination sa Nobyembre hanggang Disyembre.
Samantala, iniulat naman ng Minister of Industry and Trade na si Denis Manturov na ang kompanyang BIOCAD ang magpo-prodyus ng ikalawang coronavirus vaccine ng Russia.
Ayon sa minister, napili na ang kompanya habang nililikha pa ang bakuna.
Ang ikalawang bakuna ay nalikha ng State Research Center of Virology and Biotechnology Vector, na inaasahang magiging available sa huling linggo ng Oktubre o Nobyembre.
Nakatakda itong iparehistro sa Oktubre at sisimulan na ang ikatlong bahagi ng trials nito.
Matatandaan na ang Russia ang unang bansa na nakapagparehistro ng coronavirus vaccine na tinawag na sputnik five noong Agosto a-onse, na ginawa ng Gamaleya Scientific Research Institute of Epidemiology and Microbiology.