TINIYAK at nangako ang Department of Health (DOH) na hindi sila susuko o panghihinaan ng loob, katunayan ay magpapatuloy pa rin sila sa kanilang trabaho partikular sa pagtugon at paglaban sa COVID-19 pandemic.
Sa isang pahayag ay sinabi ng DOH na nananatiling mataas ang kanilang moral matapos ang inilabas na report ng international medical journal na “The Lancet.”
Sa nasabing report kasi ay nabanggit ang Pilipinas na nasa ika-animnapu’t anim (66) na pwesto mula sa siyamnapu’t isang (91) bansa sa buong mundo kaugnay sa usapin ng pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.
Ayon sa report ng “The Lancet”, kabilang umano sa mga rason o dahilan sa kabiguan umano na mapigil ang COVID-19 sa Pilipinas ay ang isang istilo ng political leadership ng administrasyong Duterte na tinawag nilang “medical populism.”
Dahil diyan ay sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kung anuman ang maging komento sa DOH pagdating sa usapin ng COVID-19 pandemic ay tuloy-tuloy pa rin silang nagta-trabaho, katunayan ay ginagawa umano nila ang Whole of Nation at Whole of Society Approach sa pagtugon sa pandemya.
Sa kasalukuyan anya ay pilit na tinutugunan at hinaharap ng ahensya ang kasalukuyang problema sa pandemya, kahit na kapos o kulang ang ating bansa sa mga medical o health care workers.
Kinumpirma rin ng DOH na hanggang sa kasalukuyan ay sinisikap pa rin nila na mapunan ang kakulangan ng bilang ng mga health care workers maging sa mga pribado man o sa pampublikong health facilities sa Pilipinas.
Kaugnay nito ay patuloy na umaapela ang ahensya sa ating mga kababayan na may medical training na makiisa o sumama na sa COVID-19 response o sa kampanya ng gobyerno.
Ipinaliwanag ng ahensya na sinumang matatanggap sa emergency hiring ay mabibigyan ng mga dagdag na benepisyo tulad ng free lodging at transportasyon.
Mayroon ding additional o karagdagang 11,500 medical o health workers ang kinakailangan ng ahensya para matugunan nang wasto ang kampanya laban sa COVID-19.
Itatalaga anya ang mga bagong makukuha nilang mga health care worker sa mga rehiyon na mas nangangailangan ng sapat na atensyon o duon sa mga lalawigan na may mataas na bilang ng COVID cases.
Samantala nagpahayag ng suporta kay Health Secretary Francisco Duque III ang mga opisyal at mga empleyado ng DOH, kasabay ng kontrobersyang kinasasangkutan ni Duque sa PhilHealth.
Ilang mga senador kasi ang nanawagan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sibakin na sa pwesto si Duque dahil sa paniwala nila na kulang ang mga aksyon na ginagawa ng kalihim sa paglaban sa COVID. Ilan naman ang nanawagan na magbitiw o magresign na lang si Duque.
Kinontra naman ito ni USec. Vergeire dahil hindi anya napapanahon o mahirap na magpalit ng DOH Secretary sa gitna ng ating pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.
Muli namang nananawagan at umaapela sa sambayanang Pilipino ang ahensya na sana ay magkaisa at sama-samang magtulungan ang bawat Pilipino para mapabilis na ma-flatten ang curve o mapahupa agad ang COVID cases sa bansa.
Naniniwala ang ahensya na kung susunod ang bawat Pinoy sa ipinatutupad na minimum health protocol ay magtatagumpay ang Pilipinas sa kampanya laban sa COVID-19.
Kung may mga isyu o gaps at nararapat na may sanction o parusa na dapat ipataw, suportado umano ito ni Duque, ani Vergeire.
Ikinalugod ng ahensya ang hindi pagkakasama kay Health Sec. Francisco Duque III sa mga opisyal na pinasasampahan ng reklamo kaugnay sa isyu ng katiwalian laban sa PhilHealth.
Nauna nang inaprubahan ng pangulo ang report ng Task Force PhilHealth na nagrerekumenda na masampahan ng criminal at administrative complaints ang ilan sa matataas na opisyal ng PhilHealth.
Gayunman, maraming nagtatanong at kinukwestyon ang rekumendasyon, dahil hindi kasama sa listahan si Duque, na ex-officio chairman ng PhilHealth.
Sa kanyang virtual press briefing, sinabi ni Health Usec. at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na “welcome development” ang nangyari.
Nagpapasalamat din aniya ang DOH sa patuloy na pagtitiwala ni Pangulong Duterte kay Duque.