Sinimulan na ng gobyerno ang muling pagtatayo at pagsasaayos ng iba’t ibang mosque sa Marawi City na napinsala sa limang buwang giyera sa pagitan ng mga teroristang Maute sa lungsod noong 2017.
Ayon kay Task Force Bangon Marawi Chairperson at Housing Czar Secretary Eduardo del Rosario, nagpapatuloy ang rehabilitasyon sa buong Marawi kung saan kailangang matapos ito sa ibinigay na timetable sa Disyembre ng susunod na taon.
Kabilang sa mga proyektong imprastraktura na sabay-sabay na itinatayo sa Marawi City ang mga mosque, pabahay, palengke, at mga gusali ng pamahalaan.
Samantala, gagamitin naman ng gobyerno ang mga donasyon mula sa mga private organization ang pagtatayo sa humigit-kumulang 30 mosque sa siyudad.
Sa ngayon, natapos na ng task force ang pagtatayo ng Armed Forces of the Philippines – Marawi Maritime Outpost, Mapandi Bridge, Banggolo Bridge, Marawi City Fire Substation at PNP Compac 1.
Malaki naman ang pasasalamat ng Marawi Sultanate League sa patuloy na suporta ng pamahalaan sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng lungsod ng Marawi.