MILYON-MILYON na ang na-infect ng COVID-19 virus sa buong mundo at patuloy pang tumataas ang mga numero habang nakaantabay ang lahat sa pagtuklas ng bakuna. Patuloy din ang dagok ng pandemya sa takbo ng ekonomiya ng maraming bansa, kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey nitong Hulyo, sumipa sa 45.5 porsyento ang joblessness rate sa bansa. Ibig sabihin, 27.3 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya. At sa gitna ng crisis, marami sa mga naturally cheerful na mga Pinoy ang tila nasisiraan ng kalooban.
Batay sa SWS survey, 30 porsyento ang naniniwalang hindi magbabago ang kalagayan ng kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan. Samantalang, 26 porsyento ang nananatiling positibo ang pananaw.
Batid ng Malakanyang na pinilay ng COVID-19 pandemic ang takbo ng kalakalan sa buong bansa dahil sa quarantine restrictions na kinakailangang maipatupad upang maiwasan ang pagkalat pa ng nakamamatay na sakit.
Bilang tugon sa matinding hamon na ito, inilunsad ng Duterte administration ang Recharge PH program. Ito ay recovery plan ng gobyerno kung magtutulungan ang bawat sektor ng lipunan para
sa pagbangon ng bansa.
“It is for this reason government economists have prepared a whole-of-society program in our recovery plan called Recharge PH to mitigate its impact,” wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ang Recharge PH ay binalangkas ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang pabilisin ang pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng 2020 General Appropriations para maibsan ang epekto ng pandemya sa ekonomiya tungo sa pagbangon ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa Development Budget Coordination Committee press briefing, binigyang diin ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick T. Chua na tututukan ng pamahalaan ang pagbalanse ng pagliligtas ng mga buhay mula sa virus at sa kagutumang dulot ng pagkawala ng mga trabaho.
“As we build a healthier and more resilient Philippines, there are three areas to focus on: expanding economic opportunities, improving the capability of Filipinos to adapt under the new normal, and ensuring people-centered, clean, technology-enabled, and responsive governance amid the pandemic,” sabi ni Chua.
Pangungunahan ng NEDA ang recovery program katulong ang sub-task groups: Department of Trade and Industry (Economic Recovery), Department of Social Welfare and Development (Social Recovery), at Department of the Interior and Local Government (Governance).
Titiyakin ng mga ito na maayos na maipapatupad ang mga programa, gayun din ang pagbibigay ng mga rekomendasyon upang mapahusay pa ang mga serbisyo.
Nakapaloob sa Recharge PH ang “Ingat Buhay para sa Hanapbuhay” campaign para tulungan ang mga indibidwal na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya. Magpapatuloy din ang Build Build Build mega infrastructure program dahil malaki umano ang maiaambag nito sa economic recovery.
Aminado ang mga opisyal ng pamahalaan na hindi magiging madali ang pagbuhay muli sa ekonomiya ng bansa. Kaya naman nananawagan ang NEDA ng suporta mula sa bawa’t mamamayan.
“The government needs the utmost cooperation of the public, the business sector, and civil society in restarting socioeconomic activities while preventing the spread of the virus, and mitigating the ill-effects of this pandemic,” wika ni Chua.