Inihayag ni Food and Drug Administration Secretary General Eric Domingo na maaaring pumili ang publiko kung saan parte ng kanilang katawan nais magpaturok ng bakuna kontra COVID-19.
Ito ay matapos ang anunsyo ng Malacañang na sa puwet magpapaturok ng bakuna si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Paliwanag ni Domingo, maraming ayaw magpaturok sa kanilang braso dahil ilan sa vaccine shot ay nag-iiwan ng peklat.
Ayon kay Domingo, normal na naghahanap ang vaccinator ng ibang parte ng katawan kung saan ituturok ang bakuna kapag may rashes o iba pang medical concerns ang braso ng recipient.
Gayunman, binigyan-diin nito na may ilang bahagi lamang sa katawan kung saan maaring iturok ang mga bakuna.
Kung i-inject sa puwet, sinabi ni Domingo na dapat itong iturok sa “upper outer quadrant.”
Tiniyak naman ng FDA chief na ang mga mangangasiwa sa COVID-19 shots ay isasanay sa pagturok ng bakuna sa iba’t ibang bahagi ng katawan.