NANANAWAGAN si Senator Imee Marcos sa gobyerno na resolbahin ang sigalot sa negosasyon sa Kaliwa Dam Project bunsod ng nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila.
Mariing idiniin ni Marcos na sa kabila ng mga pag-ulan sa nakalipas na buwan, patuloy pa rin ang pagbaba ng suplay ng tubig sa Angat Dam.
Nagbabala ang senadora na kapag hindi nagtuloy-tuloy ang pag-ulan ay posibleng masagad ang suplay ng tubig sa Angat Dam sa critical level nito na 160 meters pagsapit ng Nobyembre, sakaling mag tuloy-tuloy ang kasalukuyang rate ng nababawas na tubig.
Kaugnay nito mas mabuti umanong latagan ng solusyon ang matagal nang problema sa tubig at dapat aniyang maging malinaw ang negosasyon sa Kaliwa Dam Project.
Sa kabilang banda, tutol ang mga katutubo sa Kaliwa Dam Project sa paniniwalang mapapalubog nito ang ancestral domain ng mga ito at maaring maging dahilan para mawalan sila ng tirahan.
Sinabi pa ni Marcos na maaaring maparami ang suplay ng tubig kung gagamitin ng Maynilad ang bilyon-bilyon nitong kita para bawasan ang mga leakages ng tubig o mga ilegal na koneksyon, kung saan 30% ng kabuuang water distribution ng kumpanya ang nasasayang.