Wala daw nakikitang balakid o problema si Justice Secretary Menardo Guevarra sa plano ng Senado o kahit pa ng Kamara de Representantes na magsampa ng hiwalay na mga reklamo laban sa mga tiwaling opisyal o kawani ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ito ang naging reaksyon ng DoJ sa sinabi ni Senator Panfilo Lacson na pwede o posible umanong magkasa o maghain ang Senado ng sariling reklamo o kaso sa mga taong hindi naisama ng task force sa listahan ng inireklamo sa Office of the Ombudsman at kabilang si Health Secretary at PhilHealth Board Chairman Francisco Duque III.
Ipinaliwanag ni Guevarra na sa ilalim ng batas ay wala namang pipigil sa Senado at maging sa Kamara kung nais nilang maghain ng sarili nilang reklamo laban sa mga opisyal ng PhilHealth na isinasangkot sa isyu ng katiwalian.
Sinabi ni Guevarra na ang ehekutibo at lehislatura na kapwa nirerepresenta ang sambayanan ay may mandato na puksain ang korapsyon at kalokohan sa anumang ahensya ng gobyerno.
Kasabay nito ay kinumpirma ni Guevarra na nagsisimula pa lamang sa kanilang trabaho o imbestigasyon ang Department of Justice bilang head o pinuno ng binuong Task Force PhilHealth.
Tiniyak naman ni Guevarra na malalim ang pagsisiyasat ang gagawin ng task force para malaman ang katotohanan sa mga alegasyon laban sa PhilHealth at para makabuo sila ng mabibigat na kaso.
Kinumpirma rin at tiniyak ni Guevarra na mas marami pang mga tao ang inaasahang makakasama sa mga irereklamo at iyun namang mga naunang kinasuhan na ay madadagdagan pa ang mga reklamo na isasampa sa mga darating na araw.
Kaugnay pa rin nito ay tumugon na sa panawagan ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Dante Gierran ang ilang opisyales na pinagbibitiw na sa pwesto. Apatnapu mula sa 66 na mga opisyal ang nagsumite na ng courtesy resignation at ang iba naman ay early retirement. Pero pansamantala ay hindi muna pinangalanan kung sinu-sino ang mga naturang opisyales.
Sa isang banda ay tama naman si PhilHealth President Gierran na mas mainam nga naman na wala sa pwesto ang mga opisyal habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para hindi maimpluwesyahan ang probe.
Kung inyong maaalala ay nagbanta si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kung hindi matitigil ang korapsyon sa PhilHealth ay baka buwagin na lang niya ito o sibakin lahat ng mga opisyal at palitan ng mga bagong mukha.
Para naman magtuloy-tuloy ang serbisyo sa taumbayan ay magtatag na lang ng panibagong ahensya na ang magiging trabaho ay katulad pa rin ng public service na ipinagkakaloob ng PhilHealth sa publiko partikular sa mga mahihirap na pasyente na walang sapat na kakayahan na magbayad ng hospital bills.
Sana ay lumitaw sa imbestigasyon ang mga tunay na pangyayari sa PhilHealth para mapanagot sa batas ang mga sangkot sa korapsyon na ang limpak-limpak na perang ninanakaw ay pera ng mga Pilipino na sadyang inilaan sa indigent patients na umaasa lamang sa PhilHealth kapag sila ay nagkakasakit o nagpapa-ospital.