Photo Credit: Positively Filipino
Ini-release na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa Special Risk Allowance at Hazard Duty Pay ng mga medical frontliners.
Ito ay alinsunod na rin sa Administrative Order No. 35 at No. 36 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa bisa ng AO No. 35, makatatanggap ng hanggang 3,000 pisong hazard duty pay kada-buwan ang mga healthcare workers sa pampublikong sektor na nagsisilbing frontlines sa paglaban sa COVID-19.
Habang hindi lalagpas sa 5,000 piso kada buwan ang matatanggap na Special Risk Allowance (SRA) ng mga pampubliko at pampribadong healthcare workers na mayroong direktang contact sa mga pasyente ng COVID-19.
Bukod dito, inihayag din ng ahensya na nakaantabay na ang iba pang regular funds na nasa ilalim ng 2020 General Appropriations Act para sa karagdagang pondo ng mga ahensyang walang alokasyon sa ilalim ng Bayanihan 2.
Samantala, inatasan na ni Department of Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III ang Philippine Overseas Employment na magpasa na ng board resolution para sa muling pangingibang bansa ng mga health worker at iba pa.
Ito ang inihayag ni POEA Undersecretary Bernard Olalia sa panayam ng Sonshine Radio.
“At dahil po dito, ako po ay binigyan ng instruction ng ating mahal na secretary ng labor na magpasa na ng governing board resolution sa POEA para sa implementation ng lifting,” ayon kay Olalia.
Sa ngayon, papayagan na ng pamahalaan ang mga health worker sa bansa na muling makapangibang bansa matapos suspendihin ito ng pamahalaan at pinayagan lang ang may kontrata hanggang Agosto 31, 2020.
Nilinaw ni Olalia, na lahat ay maari nang papayagan kahit na ‘yong mga naghahanap pa ng trabaho at employer sa ibang bansa.
Ani Olalia, papayagan na rin ang mga ito na magproseso sa POEA kung meron itong mga validly accredited employer.
Sa kabilang banda, nais ng isang mambabatas na doblehin ang buwanang sahod ng mga entry-level nurses at itaas ito sa P60,901 upang mapigilan na ang mga itong umalis ng bansa.
Sa ilalim ng House Bill No. 7933, nais ni AnaKalusugan Rep. Michael Defensor na itaas ang pay grade ng lahat ng government nurses mula sa salary grade 15 sa salary grade 21.
Giit ng mambabatas, hangga’t hindi nasisiguro ng pamahalaan sa mga nurse na magkakaroon ito ng mas mataas na antas ng pamumuhay sa bansa ay patuloy pa ring aalis ang malaking bilang ng mga ito upang magtrabaho sa ibang bansa kung saan nabibigyan ang mga ito ng mas malaking sahod at magandang benepisyo. Sinabi rin ni Defensor na nasa 19,000 na mga nurse ang umaalis sa bansa kada taon upang magtrabaho sa ibayong dagat.