Nauuso ngayon ang plant-based diet na hindi lamang pangpalusog at pangpaganda ng katawan kundi maganda rin para sa kalikasan. Gayumpaman, may ilang mga gulay, tulad ng legumes, na mayroong FODMAP compounds na mahirap tunawin at nakakasakit ng tiyan. Salamat sa bagong pag-aaral na ginawa ng VTT at Finnish companies, nagawa nilang i-break down ang FODMAP na may enzymes at nakagawa ng mga bagong produkto ng pagkaing plant-based na hindi pasasakitin ang iyong tiyan.
Ano ang FODMAPs?
Ang FODMAPs ay ang mga short-chain carbohydrate molecules na hindi masyadong nasisipsip ng small intestine kaya napupunta sa large intestine at kinakain ang mga intestinal microbes. Bunsod nito, nagkakaroon ng produksyon ng gases na siyang nagiging sanhi ng pagsakit ng tiyan, lalo na nga sa may mga intestinal disorders at marami pang iba.
Maraming pagkain ang may FODMAPs at hindi maitatangging masusustansya ito dahil sa dami ng taglay nitong fiber, nutrisyon at protina. Kaya nga lamang, marami marahil ang umiiwas sa mga pagkaing may FODMAPs dahil na rin sa epektong dala nito, tulad ng pananakit ng tiyan. Sa kasamaang palad, hindi nila nakukuha ang mga taglay nitong nutrisyon.
Dahil dito, pinag-aralan ng mga eksperto kung maaari nga bang matunaw ang FODMAPs na taglay ng ibat-ibang masusustansyang pagkain. Pareho nilang ginamit ang commercial enzymes at ang enzymes galing VTT para subukang tanggalin ang FODMAPs sa fava beans, pea protein, rye, wheat flour at graham.
Sa kanilang masusing pag-iimbestiga, napatunayang ang enzymatic treatment ay epektibo. Lumabas sa kanilang pag-aaral na kakaunting FODMAPs na lamang ang matitira sa raw material matapos ang nasabing treatment. Sa karagdagan, sinasabing maihahalintulad ito sa paggawa ng Hyla Milk, kung saan tinatanggal ang lactose habang pinoproseso.
Plant-based diet na di masakit sa tiyan
Sinubukan din ang nasabing proyekto sa paghahanda ng pagkain. Nakatuon ang testing sa mga produktong plant-based, pagkaing nabibili sa bakery o bake shop pati na rin mga meat analogues o mga pagkaing pwedeng panghalili sa karne.
Sa pamamagitan kasi nito, magagawa ng food industry na matanggal ang hindi magandang FODMAPs compounds sa mismong paggawa ng mga produktong pagkain. Higit din nilang mapag-aaralan kung angkop ba ang FODMAP diet sa ibat-ibang plant-based food.
Ayon kay Anttii Nyyssölä, isang senior research scientist ng VTT, napatunayang epektibo ang pag-aaral sa paggamit ng naturang treatment sa paghahanda ng iba’t-ibang produktong pagkain. Masasabi nilang isa itong magandang balita lalo na’t wala pang pag-aaral ang naitala na angkop sa mga pagkaing may legumes o legume-based products.
Dadag pa niya, mataas ang posibilidad na ang resulta sa kanilang pag-aaral ay magagamit na sa paggawa at pagproseso ng mga pagkaing masusustansya na hindi masakit sa tiyan. Magagamit din ito sa iba’t-ibang academic research, kung saan mapatutunayan na hindi ito magbubunga ng anomang sintomas ng pananakit ng tiyan.