Photo Credit: PNP
Naging tatak ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang slogan na “Tapang at Malasakit”, na kinapapalooban ng pagsusulong ng peace and order sa bansa tungo sa pagbabago na inaasam ng ating lipunan. Sa loob ng apat na taon, saksi ang bayan sa pagsusumikap ng gobyerno na sugpuin ang masasamang elemento na gumagambala sa kapayapaan at sa progreso ng sambayanan.
Muling napatunayan ng Duterte administration na epektibo ang political will nito sa pagpapatupad ng peace and order programs sa kabila ng mga pagpuna ng mga kritiko. Base sa isang international survey, ramdam na ng maraming Pinoy ang seguridad sa kapaligiran sa kasalukuyang gobyerno.
Photo Credit: PNP
Ang Gallup Global Law and Order 2020 Report ay survey na isinagawa sa 144 na mga bansa at lugar sa buong mundo, na nilahukan ng halos 175,000 na adult respondents. Sa pamamagitan nito ay inalam ng Washington-based firm ang kumpiyansa ng mga respondents sa police force, kaligtasan sa naglalakad mag-isa sa gabi, at karanasan sa assault at robbery sa nakalipas na 12 buwan.
Lumabas sa pinakabagong edisyon ng survey na kabilang ang Pilipinas sa Top 50 safest countries, na nakakuha ng 84 puntos—na umangat mula sa 82 noong nakaraang taon—kahanay ng mga bansang Australia, New Zealand, at Serbia.
Pumasok din sa Top 50 ang ibang Southeast Asian countries gaya ng Indonesia (89 puntos), Vietnam (86 puntos), Malaysia (83 puntos), at Myanmar (82 puntos).
Nanguna naman sa listahan ang Singapore na may global index score na 97.
PANGULONG DUTERTE, SALUDO SA PNP AT AFP
Para sa Malakanyang, ang resulta ng naturang worldwide survey ay patunay ng sinseridad ng Duterte administration sa kampanya nito kontra krimen.
“Nagpapasalamat po kami sa ating taumbayan at kahit papaano po kinilala po nila ang prayoridad ng ating Pangulo na panatilihin talaga ang peace and order sa ating lipunan. Itong kumpyansa na ibinigay niyo, sa pamamagitan ng survey na ito, ay patunay na patuloy tayong nagsusulong na maibalik talaga ang peace and order sa ating komunidad,” wika ni Presidential spokesman Harry Roque.
Aminado naman si Pangulong Duterte na nasorpresa siya nang malaman na ranked 12th ang Pilipinas sa world’s 50 safest countries.
“I read that in the briefer and it was – I was really surprised. We are in the Top 50 and we are lumped with countries that are really ideally peaceful,” wika ng Chief Executive.
Hindi naman ipinagkait ng Pangulo na ibahagi sa mga alagad ng batas ang credit sa malaking achievement na ito ng kanyang liderato.
“If it’s a recent survey, it only shows that, well, we have to credit the police and the military and the other uniformed services of the government who toil to make this country at least very peaceful,” sabi ni Duterte.
CRIME INCIDENTS, BUMAGSAK
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, sumadsad ang bilang ng crime incidents, robbery, at theft cases sa bansa—na masasabing isang magandang sorpresa para sa lahat.
Iniulat ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield na sa loob ng 200-day community quarantine period ay bumaba ng 60 porsyento ang mga insidente ng pagnanakaw at krimen.
Ayon kay JTF COVID Shield commander Police Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, mula March 17 hanggang October 2, naitala ang 2,073 na kaso ng robbery, na mas mababa sa naitalang 5,627 cases 200 days bago ang quarantine period.
Dagdag niya, 60 porsyento ang ibinaba ng theft cases sa 4,690 mula 11,653.
Photo Credit: Wikipedia
Aniya, lumabas sa datos na iba ang nangyari kumpara sa inaasahan na pagtaas ng kaso ng krimen, lalo na ng mga pagnanakaw, dahil sa kawalan ng mga kabuhayan dahil sa pandemya. Malaking bagay umano ang pagtutulungan ng pulisya at ng barangay.
“While the community quarantine denied criminal elements the usual opportunity to strike, the increased police visibility down to the barangay level is a big factor in reducing criminal incidents across the country,” wika ni Lt. Gen. Eleazar.
Samantala, siniguro naman ni bagong Philippine National Police (PNP) chief Major General Debold Sinas na ipagpapatuloy ng kanilang hanay ang pangangalaga sa seguridad ng mamamayan at ang pagsupil sa maling gawain sa kanilang organisasyon.
Sa kanyang inaugural speech sa Camp Crame, binigyang diin niya na hindi bibigyan ng special treatment ang sinomang pulis na mapapatunayang sangkot sa katiwalian alinsunod sa gusto ng Pangulo.
“Simple lang po ang gusto ko bilang ama ng PNP. We should walk the talk in the PNP,” wika ni Sinas sa kanyang inaugural speech sa Camp Crame na dinaluhan ng matataas na security officials ng bansa.