Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) Resolution No.77, nirerekomenda ng mga local chief executive ng Metro Manila na pag-aralang muli ang pagbabalik ng motorcycle taxis sa lansangan lalo na ngayong limitado pa rin ang pampublikong transportasyon.
Ang pagaaral ang susukat kung ang mga motorcycle taxi ba ay angkop na gamitin bilang pampublikong transportasyon, lalo’t kasalukuyan itong naka-ban.
Matatandaan na napaso ang pilot study ng pamahalaan sa mga motorcycle taxis noong Abril. Ito ang dahilan kung bakit bawal munang pumasada ang mga ito.
Papayagan lamang na makapasada sa oras na magkaroon na ng batas na magtatakda sa mga ito bilang paraan o parte ng pampublikong transportasyon.
Nauna na ring nanawagan ang Committee on Transportation sa ahensya na payagan nang makapamasada ang mga ito
Hindi lamang umano agad na-endorso ang naturang rekomendasyon dahil isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila at ilang karatig lugar at ipinagbawal ang pampublikong transportasyon, ayon kay Samar Representative Edgar Mary Sarmiento na siyang chairman ng komite.
Sa pagbabalik ngayon ng Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) kung saan pinapayagan na muli ang pampublikong transportasyon, hinihimok nila ang ahensya na payagan ang pagbiyahe ng motorcycle taxi. Kabilang dito ang angkas, basta’t sumusunod lamang sa health and safety protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at ang palagiang pag-disinfect sa helmet at pagkakaroon ng replaceable head covers.
Bahagi din dito ang pagpapasailalim ng mga riders sa PCR test at mabigyan ng COVID-free certification habang ang pasahero naman ay magfi-fill up ng contact tracing form online bago maka-book ng serbisyo.