Photo Credit: Sheknows
Nasaktan ka na ba ng sobra? Niloko ka ba ng taong mahal mo at pinagkatiwalaan mo ngunit hindi naging tapat sayo? Hinusgahan ka ba ng isang bagay na hindi mo naman ginawa? Ginawan ka ng masama at hindi ka nabigyan ng hustisya? Marami ka na bang koleksyon ng kamaliang nagawa sayo ng iyong kapwa at hanggang ngayon ay iyong dinadala?
Sa reyalidad mahirap ang magpatawad lalo na kung nasaktan tayo nang todo, naagrabyado at hindi nabigyan ng hustisya.
Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang pagpapatawad
Ang pagpapatawad ay isang desisyon kung saan pinapalaya mo ang iyong sarili sa galit at hinanakit na iyong dinadala sa iyong puso at isip. Hindi ito isang salita kundi isang gawa. Ito ay ang pagpapatawad na mula sa puso.
Maaari mong sabihin sa nagkasala sayo na pinapatawad mo na siya sa kanyang nagawang kamalian ngunit kung ang pagpapatawad na yan ay hindi mula sa puso at isa lamang salita, ikaw ay mananatiling bilanggo ng galit at hinanakit. Kalaunan, ang ganitong damdamin ay magdudulot ng pagnanais na makapaghiganti sa taong nagkasala sa iyo.
Ayon sa mga psychologist, ang pagpapatawad ay isang kamalayan, matibay na desisyon ng paglalabas ng sama ng loob, ng kinikimkim na galit at pagnanais na makapaghiganti sa isang tao o grupong nakagawa sayo ng kamalian kahit pa hindi sila karapatdapat sa kapatawarang ito.
Kapag nagpatawad ka hindi naman ibig sabihin nito na binabalewala mo na ang kamaliang nagawa sayo dahil lahat ng kamalian o kasamaan ay may karampatang parusa sa lupa sa ilalim ng batas ng tao at sa langit sa ilalim ng batas ng Diyos.
Maaari mong patawarin ang nakagawa sayo ng pagkakamali pero maaari ka pa ring tumawag ng pulis at ireklamo ito.
Dalawang uri ng pagpapatawad
1. Pagpapatawad sa salita lamang – maari mong sabihing pinatawad mo na ang isang tao sa salita lamang ngunit kung hanggang sa salita ka lamang nagpatawad ay hindi ito isang tunay na pagpapatawad dahil ang sakit, pagdaramdam at galit ay nasa iyong kaloob-looban pa rin.
2. Pagpapatawad na mula sa puso – kung ang pagpapatawad mo ay mula sa puso, ito ay tunay na pagpapatawad dahil ang pagpapatawad ay isang uri ng pag-ibig na gaya ng sa Diyos — walang kondisyon at kapalit at bukal sa puso at isip.
Wala namang taong perpekto, lahat ng tao nakasakit sa iba at nasaktan ng iba pero kung pipiliin mong magpatawad mas magiging magaan ang iyong pakiramdam at magiging malaya ka sa galit at hinanakit na umaalipin sayo nang hindi mo nalalaman.
Paano bang magpatawad sa iba lalo na kung mismong sarili mo ang kailangan mong patawarin.
Natural lamang na makaramdam tayo ng konsensya, hiya at hinanakit kung nakagawa tayo ng kasalanan at pagkakamali lalo na sa mga taong malalapit sa atin. Ang pagpapatawad ay hindi lamang isang pakiramdam kundi ito ay isang usapin na kailangan mong ayusin mula sa iyong sarili.
Sa pag-aaral ni George Vaillant, isang physician mula sa Harvard, sinabi nitong ang pagpapatawad ay ikawalong uri ng positibong emosyon ng tao. Ito ay isang malalim na koneksyon ng tao sa kanyang sarili at kapwa.
Ang kawalan ng kakayahang magpatawad unang una sa iyong sarili ay malaking kontribusyon sa sakit na anxiety at depression.
Ang mga sumusunod ay mgs hakbang o proseso ng unti-unting pagkakaroon ng kalayaan sa pamamagitan ng tunay na pagpapatawad:
1. Kilalanin ang iyong emosyon
huwag mag-atubiling kilalanin at aminin kung ano ang nararamdaman mo at kung ano ang naiparamdam mo sa iba, kung ito ang kaso. Payagan ang iyong sarili na obserbahan ang iyong mga dahilan, katwiran at paninisi sa sarili.
2. Tanggapin mo kung ano man ang nangyari
Maging responsable sa iyong nagawa, sa estadong ito maaaring ipunto mo sa iba ang sisi. Kung hindi mo tatanggapin na ikaw ay nagkamali ano mang pagpapatawad sa sarili ay balewala rin.
3. Magkaroon ng malawak na pagiisip
Ang pagiging negatibo at paninisi sa sarili ay hindi makatutulong sayo dahil kung nagdadala ka ng bato mula sa iyong nakaraan, gumagawa ka ng bahay na mawawasak din dahil sa kalaunan ay uulitin mo pa rin ang nagawa mong pagkakamali.
Halimbawa: Kapag ang bata ay nadapa ito ay itinatayo nang may pagmamahal. Kailangan din natin itong gawin sa ating mga sarili.
4. Pagsisihan ang kasalanan
Pinakadakilang paraan ng pagpapatawad sa iyong sarili at pag-alis sa lahat ng iyong sakit, pag-aalinlangan at pagkakasala, ay ang pagbabago sa iyong pag-uugali. Ang totoong pagbabayad ng kasalanan ay ang pagbabago sa ating mga hangarin at kilos.
5. Pahalagahan ang iyong sarili
Maglaan ng oras para pahalagahan ang iyong sarili sa pagtatagumpay sa paglaban sa iyong mga kamalian, kahinaan, paninisi sa sarili at kasalanan para hindi na maulit anuman ang pagkakamaling nagawa.
Tandaan na hindi mo kontrolado ang nararamdaman ng iba ngunit kontrolado mo ang iyong sarili. Kaya mong piliin na magpatawad at ibahin ang takbo ng istorya kung saan hindi na ikaw ang biktima ng iyong galit at poot kundi ikaw na ang bida, malakas, malaya at may kapayapaan ang isip at puso.