Photo Credit: Bilyonaryo
Lumagda na ng kasunduan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Grab Philippines hinggil sa pagpapalakas ng kampanya kontra door-to-door drug trafficking sa bansa.
Isinagawa ang seremonya na pinangunahan nina PDEA Dir. Ger. Wilkins Villanueva at Grab Philippines Head Sherilysse Bonifacio sa PDEA National Headquarters sa Quezon City.
Layon ng kasunduan na masugpo ang mga indibidwal na sangkot sa kalakaran ng droga na gumagamit ng mga serbisyo ng ride-hailing apps.
Sa ilalim ng pinirmahang memorandum ng dalawang panig, nangako ang Grab Philippines na makikipagtulungan ito sa PDEA kaugnay ng mga suspicious packages.
Habang umaasa naman ang PDEA na gagayahin ng iba pang ride hailing app companies ang pakikipagtulungan ng Grab upang mapigilan ang paglaganap ng iligal na droga sa pamamagitan ng transport at delivery services.