SA buong mundo, maituturing na pinakamahabang selebrasyon ng Pasko ang Paskong Pinoy kung saan nagsisimula ang pagdiriwang nito sa pagpasok ng ber months mula sa buwan ng Setyembre hanggang sa unang linggo ng Enero ng bagong taon.
Ngayong panahon ng pandemya at sunod-sunod na kalamidad na tumama sa bansa, mas napatunayan ng Pinoy na ang bansang Pilipinas ang pinakamagandang bansa sa mundo at ang mga Pinoy ang pinakamatapang na tao dahil sa kabila ng lahat ng krisis na dinaranas ngayon ay hindi pa rin nawawala ang tunay na diwa ng Pasko sa mga puso ng bawat Pilipino.
Dahil ang tunay na diwa at sangkap ng maligayang Pasko ay ang pagbibigay ng oras at pagmamahal at ang pagbubukas ng mga regalo ay hindi mas mahalaga sa pagbubukas ng ating mga puso.
Tradisyon na tuwing Pasko sa ating mga Pinoy ang pangangaroling, simbang gabi at pamamasko sa mga ninong at ninang lalo na ang pagkakaroon ng mga christmas party at Noche Buena pagsapit ng ika-24 ng Disyembre ngunit tiyak na mamimiss natin ang mga ito sa ngayon dahil sa patuloy na pananalanta ng COVID-19.
Ngunit alam ba ninyo na maari pa rin naman nating ipagpatuloy ang mga tradisyong ito.
Gawin lamang ang mga sumusunod:
– Mag decorate pa rin ng Christmas tree, maglagay ng mga dekorasyon gaya ng mga parol at kumukutikutitap na Christmas lights at magluto ng mga masasarap at special na pagkain para sa mga mahal sa buhay.
– Maging malikhain at sumubok ng mga kakaibang set up gaya na lamang ng pagkain sa labas ng bahay sa Noche Buena tulad sa hardin kung saan open ang lugar lalo na at ipinaiiral ang social distancing sa lahat ng lugar.
– Sabay-sabay na magdasal sa bahay kasama ang pamilya at magpasalamat sa Diyos sa araw ng kanyang kapanganakan na siyang tunay na dahilan ng selebrasyon ng Pasko. Isang pasasalamat sa araw ng kanyang pagdating sa sanlibutan para tayo ay iligtas mula sa ating mga kasalanan at alalahanin ang dakilang pagibig ng Diyos sa sangkatauhan sa pagaalay ng kanyang anak ng ipako ito sa krus ng kalbaryo.
– Magpatugtog ng mga pamaskong awitin at sabayan ito na tila nangangaroling sa isang bahay at kunan ito ng video para ipadala sa mga taong nais mong batiin at awitan ng mga himig Pasko.
– Gamitin ang makabagong teknolohiya
Sa pamamagitan ng modern technology posible nang makasama natin sa pagdiriwang ng Pasko ang mga mahal natin sa buhay na nasa malayong lugar kaya naman kumpleto pa rin ang buong pamilya sa araw ng Pasko.
Mas okay na ang ganito na kahit magkakalayo ay ligtas naman sa sakit na COVID-19 ang bawat isa.
– Gawing maaga ang pagsa-shopping on-line
Para siguradong makakarating ang inyong mga regalo sa oras at saan mang lugar sa Pilipinas ay mas magandang mag order ng maaga on-line at sundan ang shipping nito para malaman ang deadline ng delivery at matatanggap nila on time ang iyong regalong pamasko. Maari ring tanungin mo muna kung anong regalo ang nais nilang matanggap para siguradong magugustuhan nila ang mga ito.
Ang mga regalong ginawa niyo mismo at pinaglaanan ng oras ay mas maganda at mas mapapahalagahan gaya na lamang ng pagluluto ng paborito nilang pagkain, pagsusulat ng tula o kahit simpleng sulat na nagsasabi kung gaano ninyo sila kamahal at bakit napakahalaga nila sa inyong buhay dahil kung may natutunan tayo ngayong panahon ng pandemya ay ito ang kahalagahan ng buhay.
Magiging kakaiba man ang selebrasyon natin ng Pasko ngayong taon, magiging masaya pa rin tayo dahil ibang klase ang tatag ng Pinoy.
Sa huli hindi ang mga mamahaling regalo ang mananatili sa ating puso at mga alaala kundi ang mga masasayang sandali kasama ang ating mga mahal sa buhay sa araw ng pasko ang mananatili sa ating puso at isip.
Patunay lamang ito na ang tunay na diwa at saya ng kapaskuhan ay hindi makakamtan sa mga materyal na bagay taliwas sa ipinapakita ng mga commercial ads sa mga department stores o on-line dahil ang masasayang alaala ng Pasko na ating ipinagdiriwang ay resulta ng kabutihan at pagmamahal na ating natanggap at ibinigay sa mga taong importante at ating pinahahalagahan sa buhay.
Ngayong panahon ng krisis at pandemya sabay-sabay nating ipagdiwang ang Pasko at salubungin ang bagong taon nang may pasasalamat, tiwala at pag-asa sa Poong Maykapal na lahat ng ito ay ating malalampasan.
Sa kabila ng kakaibang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat at ipagdiwang. Gawin nating kakaiba at mas special ang kapaskuhan ngayon sa pamamagitan ng pagtulong at pagabot ng suporta sa mga kababayang naging biktima ng kalamidad at pandemya dahil ang Pasko ay pagibig.
Ito ang pagibig ng Diyos sa sanlibutan at ang pagibig na ito ay patuloy na mananaig ano man ang mangyari at mangingibabaw sa lahat ng kanyang mga nilikha.
Maligayang Pasko sa lahat at patuloy tayong magmahalan at gumawa ng mga masasayang alaala ng pasko na mananatili sa ating mga puso magpakailanman.