Photo Credit: Diversifyoss.com2
Sa buong mundo, maituturing na pinaka mahabang selebrasyon ng Pasko ang Pasko ng Pinoy kung saan nagsisimula ang pagdiriwang nito sa pagpasok ng ‘ber’ months. Mula sa buwan ng Setyembre hanggang sa unang linggo ng Enero ng bagong taon ang mahaba at masayang pagdiriwanag ng Pasko ng Pinoy.
Ngayong panahon ng pandemya at sunod-sunod na kalamidad ang tumama sa bansa, mas napatunayan ng Pinoy na ang bansang Pilipinas ang pinaka magandang bansa sa mundo at ang mga Pinoy ang pinaka matapang na tao. Dahil na rin ito na sa kabila ng lahat ng krisis na dinaranas ngayon ay hindi pa rin nawawala ang tunay na diwa ng Pasko sa mga puso ng bawat Pilipino.
Dahil ang tunay na diwa at sangkap ng maligayang Pasko ay ang pagbibigay ng oras at pagmamahal. Sa katunayan, maging ang pagbubukas ng mga regalo ay hindi mas mahalaga sa pagbubukas ng ating mga puso.
Tradisyon na tuwing Pasko sa ating mga Pilipino ang pangangaroling, simbang gabi at pamamasko sa mga ninong at ninang lalo na ang pagkakaroon ng mga Christmas party at Noche Buena pagsapit ng ika-24 ng Disyembre. Tiyak na mamimiss natin ang mga ito sa ngayon dahil sa patuloy na pananalanta ng COVID-19.
Paskong Pinoy pa rin sa ating puso kaya kahit nasa panahon tayo ng krisis dulot ng pandemya ay patuloy pa rin nating isasagawa ang mga tradisyong atin nang nakagisnan nang matagal ng panahon.
Gawin lamang ang mga sumusunod upang ipagpatuloy ang mga tradisyong ito:
– Mag decorate pa rin ng Christmas tree, maglagay ng mga dekorasyon gaya ng mga parol at kumukutikutitap na Christmas lights at mag luto ng mga masasarap at special na pagkain para sa mga mahal sa buhay.
– Maging malikhain at sumubok ng mga kakaibang set up, gaya ng pagkain sa labas ng bahay sa darating na Noche Buena. Hindi ba maituturing na isang exciting na handaan ang kumain sa hardin kung saan open ang lugar lalo at ipinaiiral ang social distancing sa lahat ng lugar.
– Sabay-sabay na magdasal sa bahay kasama ang pamilya at mag pasalamat sa Diyos sa araw ng kanyang pagdating sa sanlibutan para tayo ay iligtas mula sa ating mga kasalanan na siyang tunay na dahilan ng selebrasyon ng Pasko. Isang pasasalamat sa dakilang pag ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
– Magpatugtog ng mga pamaskong awitin at sabayan ito na tila nangangaroling sa isang bahay. Kunan ito ng video at ipadala sa mga taong nais mong batiin at awitan ng mga himig Pasko.
– Gamitin ang makabagong teknolohiya
Sa pamamagitan ng modernong teknolohiya, katulad ng Zoom, posible nang makasama natin sa pagdiriwang ng Pasko ang mga mahal natin sa buhay na nasa malayong lugar kaya naman kumpleto pa rin ang buong pamilya sa araw ng Pasko.
Mas okay na ang ganito na kahit magkakalayo ay ligtas naman sa sakit na COVID-19 ang bawat isa.
– Gawing maaga ang pagsa-shopping online
Para siguradong makakarating ang inyong mga regalo sa oras at saan mang lugar sa Pilipinas ay mas magandang mag order ng maaga online. Sundan ang shipping nito para matatanggap ng mga mahal sa buhay at on-time ang iyong regalo. Maari ring tanungin muna kung anong regalo ang nais nilang matanggap para siguradong magugustuhan nila ang mga ito.
Ang mga regalong ginawa niyo mismo at pinaglaanan ng oras ay mas mapa pahalagahan, gaya na lamang ng pagluluto ng paborito nilang pagkain, pagsusulat ng tula o kahit simpleng sulat na nagsasabi kung gaano ninyo sila kamahal. Iparating sa mga kaibigan at kapamilya kung bakit napakahalaga nila sa inyong buhay, dahil kung may natutunan tayo ngayong panahon ng pandemya, ay ito ang kahalagahan ng buhay.
Gawing mas special ang kapaskuhan ngayong taon
Magiging kakaiba man ang selebrasyon natin ng Pasko ngayong taon, magiging masaya pa rin tayo dahil ibang klase ang tatag ng Pinoy.
Sa huli hindi ang mga mamahaling regalo ang mananatili sa ating mga puso at ala-ala kundi ang mga masasayang sandali kasama ang ating mga mahal sa buhay sa araw ng Pasko. Ang mga alaalang ganito ang siyang mananatili sa ating puso at isip.
Patunay lamang ito na ang tunay na diwa at saya ng kapaskuhan ay hindi makakamtan sa mga materyal na bagay. Taliwas sa ipinapakita ng mga commercial ads sa mga department store o sa mga shopping sites online, ang masasayang ala-ala ng Pasko na ating ipinagdiriwang ay resulta ng kabutihan at pagmamahal na ating natanggap at ibinigay sa mga taong pinahahalagahan natin sa buhay.
Ngayong panahon ng krisis at pandemya sabay-sabay nating ipagdiwang ang Pasko at salubungin ang bagong taon nang may pasasalamat, tiwala at pag-asa sa Poong Maykapal na lahat ng ito ay ating malalampasan.
Gawin nating higit pang kakaiba at mas espesyal ang Pasko ngayong taon sa pamamagitan ng pagtulong at pag abot ng suporta sa mga kababayang naging biktima ng kalamidad at pandemya. Ibahagi natin ang pag ibig na nasa ating puso ngayong Kapaskuhan dahil ika nga ang “Pasko ay pag ibig.”
Maligayang Pasko sa lahat! Patuloy tayong magmahalan at gumawa ng mga masasayang ala-ala ng Pasko na mananatili sa ating mga puso magpakailanman.