Nasubukan mo na ba makipag-usap sa sanggol? Marami sa atin ay nag-be-baby talk kapag may kausap na bata. Ngunit, maliban sa ganitong uri ng pakikipag-usap, napag-alaman sa isang pag-aaral na may isa pang istilo ng pakikipag-usap upang mas madaling makuha ang kanilang atensyon at madali rin silang matutong magsalita — ang parentese.
Kumpara sa karaniwang baby talk, sa parentese, gumagamit ang mga magulang ng simpleng gramatika at mga salita na binibigkas nang may mataas na boses upang makuha ang atensyon ng sanggol. Isa itong ganap na salita na may tunay na kataga na binubuo ng mga patinig at ginagamitan ng mataas na tono ng boses upang magtunog masaya. Makakatulong ito upang makinig ang bata sa magulang at sumagot kahit pa nga sa pag-ungol lamang.
Sa isang pag-aaral na ginawa ng Institute for Learning & Brain Sciences o I-LABS sa University of Washington, payag ang mga magulang na gawin ang parentese para sa ikabubuti ng kanilang mga anak.
Sa ginawang pagsusuri ng mga mananaliksik, napag-alamang ang mga magulang na tinuruan ukol sa kahalagahan ng paggamit ng parentese ay nagpakita ng malaking interes sa paggamit nito, na siya namang makakatulong upang mapahusay ang language skills ng bata paglaki. Ang mga magulang na lumahok sa mga pagtuturo ukol sa parentese naman ay mas madalas ginagamit ito kumpara sa mga “control-group” na magulang na hindi naturuan.
Napag-alaman ding ang naturuang mga magulang ay mas madalas nakikipag-usap sa kanilang mga anak na siya namang nagpapataas sa language skills ng bata matapos ang ilang buwan.
“We’ve known for some time that the use of parentese is associated with improved language outcomes. But we didn’t know why. We believe parentese makes language learning easier because of its simpler linguistic structure and exaggerated sounds. But this new work suggests a more fundamental reason,” paliwanag ni Patricia Kuhl, co-direktor at professor ng speech at hearing sciences sa UW.
“We now think parentese works because it’s a social hook for the baby brain — its high pitch and slower tempo are socially engaging and invite the baby to respond,” dagdag pa nito.