Sinigurado ng mga opisyal ng agrikultura sa Iligan City na ang mga apektadong hog raiser sa Barangay Pugaan ay makakatanggap ng bayad mula sa pamahalaan.
Ito ay matapos na patayin ang mga alagang baboy matapos na magpositibo ang mga ito sa African Swine Fever o ASF at upang mapigilan na rin ang pagkalat ng virus sa iba pang lugar sa syudad.
Ayon sa executive director ng Regional Field Office ng Department of Agriculture (DA) na si Carlene Collado, babayaran ng Northern Mindanao Hog Raisers (NorMinHog) ang mga apektadong mangbababoy ng 2,000 pesos samantalang ang DA naman ay magbibigay ng 5,000 pesos sa bawat baboy na pinatay.
Naglaan din ang pamahalaan ng Iligan ng 1.5 milyong piso upang suportahan ang mga apektadong magsasaka ayon kay City Information Officer na si Jose Pantoja.