Itinuturing na malaking istorbo sa mga kabahayan ang pagpapatugtog ng malakas sa dis oras ng gabi, partikular na ang paggamit ng videoke.
Isa ang probinsiya ng Cavite na mahigpit na nagpapatupad ngayon ng nasabing polisiya na nasa diskrisyon ng LGUs na ipagbawal ang videoke session sa kani-kanilang komunidad lalo pa’t kadalasang ginagawa ito nang hatinggabi.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque na nakapaloob sa Civil Code of the Philippines na pinapayagan ang anumang pagkilos sa sinuman na makatutulong na makabawas ng istorbong ginagawa nito sa karamihan.
“Ang malakas na pag-videoke po is a form of nuisance or nakakairita at iyong abatement of nuisance po nasa kamay po iyan ng lokal na pamahalaan,” ayon kay Roque.
Kaugnay nito, gumawa ang lokal na pamahalaan ng Cavite ng isang hotline kung saan tatanggap ng mga reklamo mula sa mga residente tungkol sa mga late-night videoke session.
Ayon kay Gov. Jonvic Remulla, magpapatrolya ang mga pulis sa buong lalawigan para alamin kung may inuman na nagaganap na videoke sessions na lagpas sa alas-8 ng gabi.
Aarestuhin ang sinumang lalabag sa bagong protocol na ipinatutupad ng lalawigan, ayon pa kay Remulla.