NAGAWA mo na bang pigilan ang iyong pagbahing? Kung hindi pa, huwag na huwag mong pipigilan ito dahil ayon sa mga doctor, may seryosong peligrong dala ang pagpigil ng pag-hatsing.
Nagbabala ang mga dalubhasa sa posibleng maging sanhi sa pagpipigil ng pagbahing. Maaari itong makagasgas ng lalamunan, makasisira ng ear drum, at maging sanhi ng pagputok ng ugat sa utak.
Epekto ng pagpigil ng pagbahing
Isang 34-taong-gulang na lalaki mula sa Leicester, England, ang dumiretso sa emergency service ng isang hospital upang ireklamo ang pamamaga ng kanyang leeg at matinding sakit nito.
“The patient described a popping sensation in his neck after he tried to halt a sneeze by pinching the nose and holding his mouth closed,” ayon sa mga doktor sa isang pag-aaral na inilathala sa medical journal na BMJ Case Reports.
Sa isinagawang CAT scan, napag-alamang gasgas at punit ang likuran ng kanyang lalamunan dahil sa pagpipigil niya ng kanyang pagbahing.
Habang nasa hospital, hirap ang lalaki na makalunok, makapagsalita, at nakakakain lamang gamit ang tube. Binigyan din siya ng antibiotics na iniiniksyon upang hindi na kailangang lunukin pa para maibsan ang pamamaga at nararamdamang sakit.
Matapos ang isang lingo, maswerteng nakauwi na ang pasyente.
Malalang kaso ng pagpigil sa pagbahing
“Halting sneezing via blocking the nostrils and mouth is a dangerous maneuver, and should be avoided,” paliwanag ng doctor.
May mga malalang kaso ng pagpipigil ng pagbahing na humahantong sa pagkaipit ng hangin sa pagitan ng mga baga. Maaari rin itong maging sanhi ng pagkalagot ng isang cerebral aneurysm na siya namang nagpapalobo sa blood vessel ng utak.