SA mga nagdaang televised message sa publiko, ilang beses binanggit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na “walang pera” ang gobyerno dahil sa pagkaparalisa ng ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi nakapagpamahagi ang pamahalaan ng ayuda noong ipinatupad ang Modified Enhanced Community Quarantine nitong unang bahagi ng Agosto.
Kaya naman iginigiit ng Duterte administration na unti-unting buksan ang ekonomiya para makalikom ng pondo ang gobyerno para sa pantugon sa krisis.
Sa mga nagdaang araw, nagkaroon ng mga pagbabago sa mga protocol na ipinapatupad. Kabilang sa mga pagbabago na ito ay ang pagluluwag ng Department of Transportation (DOTr) sa social distancing measures sa mga pampublikong transportasyon.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Administrative Service Artemio Tuazon, Jr., minabuti ng ahensya na ipatupad ang panuntunan dahil umano sa hinaing ng mamamayan sa kakulangan sa public transportation, at bilang tugon sa panawagan ng economic team na magtulong-tulong ang mga sektor upang mabuksan at makabangon na ang ekonomiya ng bansa.
Aniya, inatasan umano ni Secretary Arthur Tugade ang sektor ng transportasyon na gumawa ng solusyon kung paano mapaparami ang kapasidad ng pampuplikong sasakyan na hindi sinasakripisyo ang kalusugan ng mamamayan. At ang naisip ng ahensya ay i-adjust ang physical distancing na may “gradual implementation”.
Kada dalawang linggo ay ipapatupad ang unti-unting pagtapyas sa standard ng World Health Organization na 1-meter social distance. Inadjust ito sa 0.75 meters nitong September 14, at ibababa sa 0.5 meters sa September 28, at 0.3 meters sa October 12. Mahigpit na ipapatupad pa rin umano ang requirement ng face mask at face shield para makasakay. Dahil dito, inaasahan na madadagdagan ang kapasidad ng mga MRT, LRT, PNR, bus, at jeepney.
Subali’t kontra ang ilang ahensya ng gobyerno, mga eksperto, at mamamayan sa hakbang na ito ng DOTr. Pangamba nila, baka masapanganib lalo ang kalusugan ng publiko kung kokontrahin ng DOTr ang standard ng WHO, na siyang inirerekomenda rin ng Department of Health (DOH), at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipatupad.
Tinawag ni public health expert Dr. Tony Leachon, dating adviser ng National Task Force on COVID-19, na “risky, reckless, counter-intuitive” ang hakbang ng DOTr ngayong bumababa na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Pangamba niya baka tumaas muli ang infections sa bansa kung hindi susundin ang one-meter social distancing na ayon sa international safety standards. Aniya ang pagsusuot ng face shield at face mask ay dagdag proteskyon lamang laban sa nakamamatay na virus, na hanggang ngayon ay hinahanapan pa rin ng bakuna.
Ang rekomendasyon nina Interior Secretary Eduardo Año at Dr. Leachon ay mag-deploy ng karagdagang mga pampublikong sasakyan para mas maraming pasahero ang mapaglingkuran—bagay na mas safe at mas sensible na gawin ng gobyerno.
Bagama’t ninanais ng lahat na muling maging normal ang takbo ng kalakalan at trabaho sa bansa, kailangan pa rin ang matinding pag-iingat hangga’t nariyan ang banta ng COVID-19. Bago magpatupad ng adjustment sa mga health protocol, dapat pakinggan muna ng mga government officials ang payo ng mga health experts upang makabuo ng mas malinaw at mas epektibong solusyon para hindi labo-labo ang mga polisiya at, higit sa lahat, para hindi malalagay sa alanganin ang mamamayan. At dapat isaisip ng ating mga lider na hindi magiging masigla ang ekonomiya ng bansa kung mararatay naman sa banig ng karamdaman ang ating mga manggagawa.