IPINAHAYAG ng Department of Health na bukod sa problema sa COVID-19 ay may isa pang bagay na dapat ding pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, lalo na sa mga isolation facilities ng bansa gaya ng mental health stability ng bawat pasyente na nasa pangangalaga ng mga medical professionals gaya ng mga doktor at nurse.
Ipinaliwanag ni Dr. Paz Collares ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team sa isang panayam ng SMNI News, aniya, sa ganitong mga pangyayari na marami ang dinadala sa mga pasilidad para sumailalim sa gamutan dulot ng COVID-19, nangangailangan ang mga ito ng tamang kalinga at suporta.
Halimbawa nito ang pakikipagkwentuhan, kumustahan at pagbibigay ng aktibidad para maiwasan ang mag-isip ng masama na posibleng mauwi sa depression at pinakamasaklap pa dito ay ang pagpapakamatay.
Kabilang ditto ang coloring books, at ilang indoor activities dahil magkakaparehong COVID-19 positive naman ang mga ito o depende sa kategorya ng kanilang estado bilang COVID-19 patient.
Sa maliliit na paraan aniya, importante na may maayos na samahan at pakikitungo ng mga taong nasa pangangalaga ng mga pasilidad, madaling makalalimutan ng isang indibidwal na sila ay humaharap sa banta ng pandemiya.
Sa ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng bansa, muling iginiit ng DOH ang kahalagahan ng makataong pagtrato sa mga pasyente o naapektuhan ng nasabing sakit.
Kinondena rin nito ang kinakaharap na iba’t ibang diskriminasyon ng mga pasyente na kahit tapos na sa quarantine ay hindi pa rin anila nawawala ang pagbatikos o pagbalewala sa mga COVID-19 patients.
Umaasa ang DOH, lalo na sa mga doktor, nurse at iba pang medical professionals na gawing mas malaki pa ang koneksiyon ng mga ito sa mga pasyente upang maiwasan ang pinangangambahang mental distability sa karamihan sa mga pasyente ng COVID-19.
Aminado naman ang DOH na di rin mawala ang pangamba at takot ng mga medical frontliners para gawin ang mungkahing indoor activities sa mga pasilidad, pero giit ni Collares, mas mainam na may maayos na relasyon ang mga ito sa apektado ng nasabing sakit.