SA panahon ng krisis, marami sa atin ang nag-iimbak ng pagkain, ika nga panic-buying. Pero kung medyo naparami ang kuha mo at ‘di mo napansin na malapit na ang expiration date nito, pwede pa kaya itong kainin o sa basura na ang tuloy?
Sa panahon ngayon na marami ang nagugutom, isang malaking kasalanan ang magtapon ng pagkain. Kaya, ito ang ilang pagkain na maaari mo pang kainin matapos ang expiration date.
Delata
Karaniwang tumatagal ang mga delatang pagkain. Kapag itinabi mo itong maigi, malaki ang tyansang tatagal ito ng ilang taon.
Ang mga delatang pagkain ay merong preservative na nagpapatagal ng pagkasira ng pagkain, kahit pa nga tapos na ang expiration date. Ligtas itong kainin, basta maayos ang lata, walang butas, walang anumang kalawang at iba pang isyu na maaaring maging dahilan ng pagkasira nito.
Tinapay
Karamihan ng mga pagkain ay maaari pang kainin kahit pa tapos na ang expiration date—isa rito ang tinapay. Kapat naitabi nang maayos ang tinapay, maaari itong mas tumagal pa kesa sa kung anong nakasulat sa expiration date.
Panatilihin itong tuyo upang maiwasan ang pagkakaroon ng amag. Maaari rin itong ilagay sa ref o sa freezer kung gusto mong mas tumagal pa bago masira ito. Painitin nalang sa oven o sa ibabaw ng stove bago ito kainin.
Biskwit at cereal
Ang dalawang ito ay nasisira rin, ngunit pwedeng tumagal—lalo na kung hindi pa nabubuksan. Hangga’t wala kang naaamoy na kakaiba o nakikita na hindi kaaya-aya, pwede mo itong kainin.
Matitigas na keso
Ang matitigas na keso, tulad ng cheddar, Swiss cheese, Gouda, Provolone, Parmesan, Pecorino, at Asiago, ay maaaring tumagal nang matagal na panahon. Ang mga kesong ito ay niluto, kahit pa nga hindi “aged,” at pwede pang tumagal kahit lagpas na ang nakatakdang “best-by date” kung maaayos itong naitabi.
Kahit pa nga may makita ka ng mga amag o tumigas na, pwede mo itong tanggalin at kainin ang malinis na parte. Kung iyong napansin, karamihan sa mga pagkaing ito ay tumatagal depende kung paano mo ito itabi. Mas tatagal din ang mga ito hangga’t hindi pa nabubuksan at nakasarang maigi. Sa paraang ito, walang masasayang at matatapong pagkain.