MARAMI sa atin ang nakaranas na ng hindi makatulog. Kahit anong pilit at pagod, may mga pagkakataong talagang ayaw pumikit ng ating mga mata para magpahinga. Anong tawag dito? Insomnia.
Karamihan sa mga masasabing may edad na ay kailangan ng pito hanggang siyam na oras ng tulog. Ngunit, kung nahihirapan kang makatulog o bigla ka na lang nagigising sa kalaliman ng gabi, o mas maaga kang nagigising kesa sa karaniwan, maaaring meron ka na ngang insomnia.
Dalawang uri ng insomnia
May dalawang uri ang insomnia. Ang una ay ang acute insomnia na tumatagal ng isa hanggang tatlong buwan.
Ang pangalawa naman ay ang chronic insomnia. Masasabing malala na ito pag tumagal pa ng lagpas sa tatlong buwan.
Sa isang episode ng “Pinoy MD”, sinabi ni Dr. Rodolfo Dizon, Jr., isang sleep specialist sa Neurosleep Center of the Philippines na maraming dahilan ang pagkakaroon ng insomnia. Nand’yan ang stress sa trabaho, pinansyal at relasyon.
Bukod dito, ang insomnia ay maaari ring sintomas ng sakit, katulad ng clinical depression.
Ayon sa isang pasyente na may clinical depression, tuwing makakaranas s’ya ng depressive episode, lagi itong sinasabayan ng insomnia.
Paano iwasan ang pagkakaroon ng insomnia?
May ilang paraang pwedeng gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng insomnia. Isa na rito ang pagkakaroon ng tamang oras ng pagtulog na araw-araw mong susundin.
Pwede ka rin gumawa ng mga bagay na makakapag-pa-relax sa’yo bago ka matulog. Iwasan ang panonood ng TV habang nagpapaantok at paggamit ng gadgets 30 minuto bago matulog.
Pinayo rin ni Dr. Dizon ang pagkain ng keso, mani at pag-inom ng mainit na gatas upang makatulong na gawing mas mahimbing ang iyong tulog.
Ayon sa Sleep Foundation, ang mani ay may taglay na hormone melatonin na nakakatulong upang i-regulate ang iyong sleep cycle, na siya namang makakatulong upang magkaroon ka ng mahimbing na tulog.
Ang cottage cheese naman ay kayang pataasin ang lebel ng iyong serotonin sa katawan dahil sa taglay nitong amino acid tryptophan.
Syempre pa, bata pa lamang tayo ay madalas nang pinapayo ang pag-inom ng mainit na gatas sa gabi bago matulog. Bakit? May kakayahan itong ibalik ang iyong childhood memories ng pagtulog na makapapawi ng iyong mga pag-aalala na siya namang magpapahimbing sa ’yong pagtulog.