Nagdulot din ng pagbaba ng naitatalang positive cases ng COVID-19 ang pagtigil operasyon ng Philippine Red Cross (PRC) ng kanilang swab testing.
Ito ang inamin ng Malakanyang kasunod ng pagbaba ng mga naitatalang kaso ng sakit.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagkakaroon ng mas kaunting testing ay natural na nakapagbibigay ng mas mababang bilang.
Gayunman, maari rin naman aniyang bumababa na talaga ang kaso ng COVID sa bansa dahil sa pag-iral ng health protocols.
Sa tala ng Department of Health (DOH), bumaba ng 25% ang bilang ng nagpositibo sa COVID-19 noong nakaraang buwan.
Matatandaang Oktubre 14 nang sinuspinde ng PRC ang swab testing dahil sa lumolobong utang sa kanila ng PhilHealth.
Samantala, tumanggi na muna ang Malakanyang na magbigay ng timeline sa pagbabayad ng nalalabing utang ng PhilHealth sa Philippine Red Cross (PRC).
Ayon kay Roque, mahirap magbigay ng petsa at paasahin ang PRC lalo’t nakararanas ngayon ng sunod-sunod na pananalasa ng bagyo ang bansa.
Gayunman nilinaw nito na walang dapat ipag-alala ang PRC dahil may sapat na pondo ang PhilHealth upang mabayaran ang natitirang utang nito.