SA panahon ng kalungkutan o anumang pinagdaraanan, ang pagpapakita ng suporta sa kaibigan o kapamilya ay nakatutulong upang pagaanin ang kanilang kalooban. Gayunpaman, ayon sa bagong pag-aaral, ang magaganda at pampalubag loob na mga salita ay maaaring may ibang epekto, base kung paano mo ito sabihin o gamitin.
Paano magpakita ng tamang suporta? Sa pag-aaral na ginawa ng Penn State, masusing inalam ng mga mananaliksik kung paano tumugon ang mga tao sa iba’t-ibang uri ng mensahe na nagbibigay ng emosyonal na suporta. Napag-alamang ang mga mensahe na nirerespeto ang nararamdaman ng isang tao ay mas epektibo at nakatutulong kumpara sa mga salitang kritikal at binabalewala ang kanilang nararamdaman.
Wika ng mga mananaliksik, makakatulong ang kanilang pag-aaral na inilathala sa Journal of Communication, upang mabigyan ng karampatang suporta ang kaibigan o kapamilya.
“One recommendation is for people to avoid using language that conveys control or uses arguments without sound justification,” wika ni Xi Tian, graduate assistant sa communication arts and sciences.
“For example, instead of telling a distressed person how to feel, like ‘don’t take it so hard’ or ‘don’t think about it,’ you could encourage them to talk about their thoughts or feelings so that person can come to their own conclusions about how to change their feelings or behaviors,” dagdag pa nito.
Paglalahad ni Tian, pinakita ng mga dating pag-aaral na ang social support ay maaaring makatulong upang mabawasan ang emotional distress at taasan naman ang physical at psychological well being ng isang tao.
Gayunpaman, depende ito sa kung paano mo sasabihin o sa mga salitang gagamitin ang pagpapakita mo ng iyong suporta. Maaari itong maging counterproductive na magdadagdag lamang sa kanila ng stress o mas mawalan pa sila ng tiwalang malalagpasan nila ang kanilang pinagdaraanan.
Ano ang tamang sabihin sa taong may pinagdaraanan? Ayon sa mga mananaliksik, maaaring gumamit ng mga lenggwahe o salita na nagpapakita ng pakikisimpatya, pangangalaga at pagmamalasakit. Maaari mong sabihing, kinalulungkot mo na may pinagdaraanan o nararanasan n’ya ang isang bagay na nakakapagpalungkot sa kanya. Pwede mo ring sabihin na nababahala ka sa kanyang kalagayan at nararamdaman.
Ang pagbibigay respeto at pagkilala sa nararamdaman ng iba ay para na ring pagsasabi na naiintindihan mo ang kanilang pinagdaraanan, na pawang malaking tulong para sa kanila.