SA kagustuhang pumayat, pinipili ng ilan na uminom ng mga weight loss supplements at kape sa pag-aakalang makatutulong ito sa pagbabawas ng timbang.
Pero babala ng endocrinologist na si Patrick Siy, maaaring makapinsala ito sa katawan, kabilang na ang pag-inom ng supplements.
Paliwanag ni Siy, may mga sangkap ang kape at supplements na maaaring makasama sa kalusugan kapag sobra-sobra ang konsumo.
“Bumibilis ang heart rates, umiinit ang katawan, pero kung marami ang iniinom nagiging delikado po itong supplements,” ani Siy sa programang “Good Vibes”.
May mga mabuting naidudulot naman ang kape sa katawan:
Puno ito ng antioxidants ang kape at kaya nitong labanan ang ilang mga sakit. Makakatulong itong i-enhance ang awareness, iwasan ang kidney stones, i-improve ang memory, maging magana sa pag-wo-workout, i-boost ang iyong mood, at iwasan ang pamamaga ng gilagid na siya namang makakaiwas sa pagkabungi.
Ngunit, ayon kay Siy, hindi ito makatutulong sa pagpayat kung dadagdagan ito ng labis na asukal at gatas.
“Counterproductive po siya sa weight loss… Hindi po matutunaw ng kape ang kinakain niyo kung sobra po siya,” ani Siy.
Payo nito, mas mabuting dalasan ang pag-inom ng tubig at pag-ehersisyo para pumayat. “Ang tubig, non-caloric so hindi ka tataba kahit marami kang ininom na tubig,” dagdag pa ni Siy.