NAGPAHAYAG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa High-Level General Debate of the 75th Session of the United Nations General Assembly na dapat ay pantay-pantay ang access ng mga bansa sa COVID-19 vaccines.
Sinabi ng pangulo na ang pandemyang ito ang pinaka-mahirap na pagsubok na naranasan ng mundo at ng United Nations simula noong World War II.
Matatandaang noong buwan ng Hulyo, sumali ang Pilipinas sa COVID-19 Vaccines Global Access o COVAX, na may layunin na magkaroon ng pantay-pantay na daan ang mga kalahok na bansa sa mga nalikhang mga bakuna sa taong 2021.
Pinasalamatan naman nito ang UN sa pinansyang ibinigay sa mga bansa na may maliit hanggang katamtamang pondo lamang.
Aniya, maligaya ang pagsalubong ng bansa sa UN COVID-19 Response and Recovery Fund dahil makatutulong anya ito sa pagharap ng bansa sa hamon ng nakamamatay na pandemya.