ISANG malaking palaisipan sa marami kung paano nagkaroon ng 6,000 na iba’t-ibang lengwahe sa buong mundo. Mula sa simpleng mga salita hanggang sa mga kumplikadong kataga, paano nga ba nagsimula ang lengwahe?
Sa isang eksperimento na ginawa ng mga mananaliksik mula sa Leipsig Research Center for Early Childhood Development sa Leipzig University at Max Planck Institute for Evolutionary Anthropology, sinubukan nila kung paano nagsisimula ang proseso ng paggawa ng bagong sistema ng komunikasyon. Dito, napag-alamang kahit ang mga bata sa preschool ay kayang makapag-develop ng iba’t-ibang sistema ng komunikasyon na naglalaman din ng mga pangunahing katangian ng isang natural na lengwahe.
Pagsisimula ng paggawa ng lengwahe
Isipin na lang natin ang mga kapwa nating may problema sa pandinig o yung mga hindi nakakapagsalita. Paano sila nakagawa ng mga sign language para makapag-usap? San nanggaling ang mga aksyon ng kanilang mga kamay para makapag-intindihan?
Sa ilang ginawang obserbasyon, napag-alaman na pag nagkita-kita ang mga taong may kapansanan sa pandinig, gumagawa sila ng kanilang sariling sign language upang makapag-intindihan. Ang isang magandang halimbawa rito ay ang Nicaraguan Sign Language na nagsimula noong 1980s.
Alam mo ba na may importanteng papel ang mga bata sa pag-develop ng mga lengwaheng ginagamit natin? Yun nga lang, hindi nai-dokumento kung paano nangyari ito.
“We know relatively little about how social interaction becomes language. This is where our new study comes in,” pag-amin ni Manuel Bohn, na siyang nagsimula ng pag-aaral.
Sa isinagawang serye ng pag-aaral, sinubukang gawin uli ng mga mananaliksik ang ganitong proseso, na siya namang matagal nang ginagamit, ayon kay Grego Kachel, na parte rin ng pag-aaral.
Sa ginawang pagsasaliksik, inimbitahan ang ilang mga bata at pinapasok sa dalawang magkahiwalay na kwarto. Gamit ang computer, nag-video call ang mga bata at tinanggalan ng sound ang mga ito upang makapag-usap sa pamamagitan ng sign language o hindi pagsasalita o pagkakarinigan.
Paano nabubuo ang lengwahe?
Ayon sa bagong pag-aaral, sa pagbuo ng bagong lengwahe, gumagamit ang mga tao ng aksyon o bagay, gamit sa pamamagitan ng senyas na maihahalintulad sa mga bagay upang maintindihan.
Upang mas magkaintindihan, kailangan ay pareho nilang naranasan o alam ang isang bagay na kanilang pinag-uusapan. Ang dalawang nag-uusap ay maaari ring gayahin ang bawat isa sa paggamit ng parehong sign para sa mga parehong bagay. Unti-unti, ang senyas ay nagkakaroon ng batayan at kahulugan.
Pagdating naman sa gramatika, unti-unti rin itong ipinapasok sa pag-uusap kung kailangang ipaliwanag ang mas komplikadong mga bagay. Base sa pag-aaral, ang prosesong ito ay nagagawa lamang sa loob ng 30 minuto.
Konklusyon
Pinapatunayan lamang ng bagong pag-aaral na hindi lamang limitado ang lengwahe sa mga salitang ginagamit.
Kapag may mga pagkakataong hindi ka pwedeng magsalita, hahanap at hahanap ka ng paraan upang makipag-usap at maintindihan ng kausap.
Ang mga pagkakataong ganito ay nagiging dahilan ng development ng mga bagong lengwahe.
“It would be very interesting to see how the newly invented communication systems change over time, for example when they are passed on to new ‘generations’ of users. There is evidence that language becomes more systematic when passed on,” paliwanag ni Bohn.