Madalas makaranas ng boredom lalo na kung walang ginagawa. Madalas nauubos ang ating oras sa paggamit ng cellphone kaka-swipe sa social media o ‘di kaya ay matulog na lang. Pero paano nga ba natin malalabanan ito sa maayos at magandang paraan?
Ang alam ng lahat na ang ibig sabihin ng boredom o pagkainip ay ‘walang magawa’. Ito ay nararamdaman kung ang isang tao ay nawawalan ng interes sa bagay na ginawa niya, o maging ang nangyayari sa sarili.
Sa United States, marami ng pag-aaral ang naisagawa tungkol dito. Ayon sa survey na nilahad ng Psychology Today, nasa 30-90 percent ang nakararanas ng boredom at ang kadalasang nakararanas nito ay mga kalalakihan.
Ayon sa medical expert na si Dr. Jen Cruz, ang boredom o pagkainip ay nasa isip lamang natin. Ang ating pakiramdam na naiinip ay kakulangan ng klarong pag-iisip kung ano ang dapat bigyang pansin.
“Ang pagkainip ay ang pakiramdam na kaunti lang ang mga paraan upang igugol ang pansin. Ang pagiging abala o busy naman ay sapilitang pagkainip,” pahayag niya.
“Ibig sabihin nito ay may mga maraming magagandang paraan upang maiukol ang pansin, ngunit ang mga ito’y nawawala bago mo pa man ito magamit,” dagdag pa niya.
Kung ikaw ay abala o naiinip ay pareho lamang na pansarili mong nararamdaman. Hindi ito masasabi kung busy ka ba o dahil boring ka lang.
“Halatang ang mga damdaming ito ay pansarili, ngunit nawawala ang isang mahalagang punto,” sabi ni Dr.Cruz.
“Ang tunay na problema ay ang kalidad ng pagbibigay pansin. Ikaw ay may nagagawa, abala o naiinip man, dahil ang iyong pansin ay may pinanggagalingang bagay o dahilan,” sabi nito.
Bakit nga ba naiinip ang isang tao?
Maaring ito ay dahilan ng nakakaramdam ng pagod o pagkatamad, walang ganang gawin ang mga bagay bagay, pakiramdam na hindi nagagawa ang mga gusto sa buhay, o ‘di kaya ay pakiramdam na hindi alam ang gagawin.
Kaya naman alamin kung paano malalabanan ang boredom sa maayos at nakakalilibang na paraan.
MAGKAROON NG SAPAT NA PAHINGA
Kapag ikaw ay pagod, maaari itong direktang magparamdam sa iyo ng pagkainip. Dahil dito ay nahihirapan ang utak na magiging tutok sa isang sitwasyon.
“Ang kakulangan ng concentration ang naglalagay sa iyo sa pagitan ng pagiging focused at unfocused,” ayon kay Dr. Cruz.
GUMAWA NG MGA LAYUNIN O GOALS
Dapat ay maghanap ng isang direksyon lamang, dahil kung marami kang iniisip makakaramdam ka ng pagka-inip.
Kaya naman mahalaga na dapat ikaw ay gumawa ng layunin.
“Ang mga layunin ay makakatulong upang bigyan ka ng direksyon at makakatulong sa iyo na maging focused,” saad ni Dr. Cruz.
MAGING MOTIVATED
Humanap ng inspirasyon tulad ng, isipin ang iyong magiging kinabukasan, mga plano sa buhay, maging ang iyong pangmatagalang goals tulad ng gustong maging propesyon.
“Subukang bigyan ang iyong sarili ng isang magandang proseso at magsimula dito,” ayon kay Dr. Cruz.
Kung gusto naman maglibang para mawala ang nararamdamang pagka-inip, maaari rin gawin ang mga ito.
MAG-ARAL NG MUSICAL INSTRUMENT
Hindi lamang maaalis ang iyong boredom, ito rin ay makadadagdag sa iyong mga skills. Maging ang self-esteem mo dito ay maaring tumaas kung ikaw ay marunong tumugtug ng kahit anong instrumento.
MAGLARO NG BOARD GAMES
Tunay na maaalis ang iyong pagkainip kung maglalaro ng ganitong pampalipas oras lalo na kung walang kasama o ‘di kaya ay wala talagang magawa.
PUMUNTA SA ISANG LUGAR NA NAKAKARELAKS
Makakatulong ito upang mawala ang iyong boredom. Dahil hindi lamang magrerelaks ang iyong makukuha ay makakakuha ka pa ng oras upang makapag-isip isip at mabawasan ang pagod at stress na naipon na sa iyong katawan.
Ngunit alam niyo ba? Nakakabuti rin pala ang boredom? Maganda ito ngunit dapat ito ay ginagawa ng tama. Ito ay may magandang epekto sa pag-iisip, imahinasyon at pagiging produktibo.
Ayon sa isang pag-aaral ang boredom ay nakakatulong na paganahin ang pagiging ‘creative’ ng isang tao at maging sa pagresolba ng mga problema, dahil hinahayaan natin ang ating utak na magpagala-gala at mag ‘daydream’.
Sa librong ‘The Upside of Downtime: Why Boredom Is Good’ ni Dr. Sandi Mann, minungkahi niya na pumili ng isang gawain o aktibidad na hindi kailangan ng concentration. Tulad ng paglalakad sa kanisadong daan, mag langoy o ‘di kaya ay umupo at ipikit ang mga mata kung saan hinahayaan ang utak na makapag-isip isip ng walang halong musika at pasiglahin ito.
Ngunit, nabanggit din ni Dr. Mann na sa ngayon ay mahihirapang gawin ito dahil sanay ang tao na hawak palagi ang smartphone. Nakakasira ito ng ating abilidad na maging bored at inilalayo tayo sa tunay na entertainment.
“We’re trying to swipe and scroll the boredom away, but in doing that, we’re actually making ourselves more prone to boredom, because every time we get our phone out we’re not allowing our mind to wander and to solve our own boredom problems,” sabi ni Dr. Mann.
Nasa tao na kung paano nila maiiwasan ang boredom, pero maaari rin na huwag iwasan ito dahil makatutulong din naman lalo na sa ating utak at pag-iisip, ngunit gawin laman ng tama.