Photo Credit: PNA
Maaari pa ring makapasok ng bansa ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa mga bansang tinamaan ng bagong strain ng COVID-19 ayon sa Department of Labor and Employment.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, maaari pa ring makauwi ang mga ito sa bansa ngunit kailangang sumailalim ang mga ito sa 14-day quarantine kahit na negatibo pa ang resulta ng swab test nito pagkadating ng bansa.
Sinabi rin ni Bello na ang mga OFW na naturukan na ng bakuna laban sa COVID-19 ay kailangan pa ring sumailalim sa mandatory quarantine.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na magpatupad ng travel ban simula Disyembre 30 hanggang Enero 15 sa 20 bansa na may bagong strain ng COVID-19 na nadiskubre sa United Kingdom.
Ani Bello, hindi bababa sa 60,000 hanggang 100,000 OFWs ang nakatakdang umuwi mula sa mga bansang ito.
As of December 29, sinabi ni Bello na nasa 388,000 displaced OFWs na ang napauwi sa bansa simula nang mag-umpisa ang pandemya.