NANININDIGAN ang Commission on Elections na hindi kailangang i-postpone ang elections, na nakatakdang ganapin sa ika-siyam ng Mayo, 2022 alinsunod sa Saligang Batas. Ito ay sa kabila ng banta ng COVID-19 pandemic kung sakaling wala pa ring bakuna sa panahong iyon.
Paliwanag ni Comelec Chairperson Sheriff Abas, pinapayagan naman ng 1987 Constitution na magkaroon ng adjustment sa schedule ng halalan kung magpapasa ng batas ang Senado, Kongreso, at ang Ehekutibo para dito. Pero mariin niyang ipinahayag sa isang panayam na wala sa plano ng Comelec ang postponement ng 2022 elections.
Sa halip, pinagaaralan ng Comelec ang pagpapalawig ng mga alternatibong paraan ng pagboto para maingatan ang kalusugan ng mga botante tulad ng postal voting para sa mga senior citizens at persons with disability; online filing ng certificate of candidacy, at ang pag-require sa mga botante na magsuot ng face shields at face masks.
Kasama rin sa mga tinitignan na paraan ng komisyon ay ang paggamit ng gymnasiums at covered courts na may mas malawak na espasyo kumpara sa mga classrooms para maiwasan ang siksikan sa araw ng botohan, ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez.
Kamakailan ay pinalutang ni House Deputy Majority Leader Mikey Arroyo ang posibilidad ng “No Election” scenario sa 2022 kung sakaling aabot sa panahong iyon ang COVID-19 crisis. Subalit ang kanyang panukala ay tinaasan ng kilay at umani ng batikos mula sa publiko.
Maging ang Malakanyang ay hindi boto sa panukala ni Arroyo.
Dumistansya ang Duterte administration sa panukala ng kaalyadong kongresista na suspendihin ang national elections dahil may sapat pa namang panahon para makapaghanda. Hindi rin dapat umanong gawing dahilan ang pandemya para maudlot ang nakatakdang halalan sa 2022, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Pero nilinaw naman ni Rep. Arroyo na hindi nya naman gustong ma-reschedule ang national elections agad-agad. Ang kanyang suhestyon ay “last resort” lamang para sa worst-case scenario sa hinaharap.
Sa batas may tinatatawag na “force majeure”, na ang kahulugan ay “unforeseeable circumstances that prevent someone from fulfilling a contract” o “irresistible compulsion or greater force”, na tinatawag din na “an act of God”. Sa ilalim ng naturang prinsipyo, pwede namang mapagbigyan na magkaroon ng adjustments sa probisyon ng halalan kung gugustuhin ng ating mga mambabatas at ng Comelec.
Ang COVID-19 pandemic ay maaaring maibilang na “force majeure” dahil walang may gusto na ito ay mangyari. Pero ibang usapin ang Eleksyon 2022 dahil ito ay pwede pa namang mapaghandaan dahil may nalalabi pang dalawang taon bago ang nakatakdang petsa. At ito ay dapat maganap alinsunod sa Konstitusyon at sa kagustuhan ng mamamayan na gamitin ang kapangyarihang hubugin ang gobyernong mamumuno sa bayan.
Kung pinapayagan ng pamahalaan na lumabas at mamasyal ang mga tao sa gitna ng pandemya, walang excuse para hindi maisakatuparan ang nakatakdang halalan.