Pinagtutuunan ng pansin ng mga magulang, lalo na nga ng mga nanay, ang kanilang mga anak upang lumaki nang maayos, may takot sa Diyos at makatapos ng pag-aaral. May mga pagkakataon pa ngang umaalis sa trabaho ang isa sa mag-asawa upang mabantayan ang kanilang mga anak. Ngunit alam mo ba na merong pag-aaral na nagsasabing basta nagmamahalan ang nanay at tatay at masaya ang pamilya, hindi na kailangang tutukan pa ang mga bata? Sa katunayan, mas malaki ang tsansang mas manatili sila sa paaralan at hindi mag-aasawa agad.
Sa isinagawang pag-aaral ng mga mananaliksik sa University of Michigan at McGill University sa Quebec, ginamit ang naiibang datos mula sa mga pamilya sa Nepal upang malaman kung paano hinuhubog ng pagmamahal ng magulang ang buhay ng kanilang mga anak paglaki. Inilathala ang pag-aaral sa journal na Demography.
“In this study, we saw that parents’ emotional connection to each other affects child rearing so much that it shapes their children’s future,” paliwanag ng co-author at ng mananaliksik ng U-M Institute for Social Research na si William Axinn.
“The fact that we found these kinds of things in Nepal moves us step closer to evidence that these things are universal,” dagdag pa niya.
Upang masagawa ang pag-aaral, gumamit ang mga mananaliksik ng datos mula sa Chitwan Valley Family Study sa Nepal. Nagsimula ang survey noong 1995 at may 151 na impormasyong nakalap mula sa mga nakatira sa Western Chitwan Valley.
Magkakasabay ngunit magkakahiwalay na kinuhanan ng pahayag ang mga mag-asawa at tinanong ang antas ng pagmamahal na meron sila para sa isa’t-isa — mula sa lebel na sobra hanggang sa bahagya, kaunti at walang pagmamahal.
Matapos nito, sinundan ang mga mananaliksik ang buhay ng mga anak ng mga nakapanayam na mag-asawa sa loob ng 12 taon upang idokumentaryo ang kailangang edukasyon at pananaw sa pag-aasawa. Mula rito, napag-alamang ang mga anak ng mga magulang na nagmamahalan ng sobra o bahagya ay nanatili sa eskwelahan ng mas matagal at matagal din bago mag-asawa.
“Family isn’t just another institution. It’s not like a school or employer. It is this place where we also have emotions and feelings,” wika ng lead author ng pag-aaral na si Sarah Brauner-Otto, na siya ring direktor ng Centre on Population Dynamics sa McGill University.
“Demonstrating and providing evidence that love, this emotional component of family, also has this long impact on children’s lives is really important for understanding the depth of family influence on children,” aniya pa.
Tantya ng mga mananaliksik, kapag mas nagmamahalan ang mga magulang, mas pinagtutuunan ng pansin ang kanilang mga anak na siya namang nagreresulta ng positibong pananaw ng mga bata na nagpapanatili sa kanila sa eskwelahan.
Mas masaya rin ang kinalakihang paligid ng mga bata kung nagmamahalan ang kanilang mga magulang, kaya hindi nila naisipang mag-asawa agad upang takasan ang anumang gulo sa bahay. Malaki rin ang tsansang iniidolo nila ang kanilang mga magulang at mas pinipiling magkaroon ng katulad na relasyon.