ITATAYO ang molecular laboratory sa Lungsod ng Parañaque bago magtapos ang buwan ng Oktubre.
Sinabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivares na tutugunan ng naturang molecular laboratory ang pangangailangan ng mas malawak na swab testing at mas mabilis na paglabas ng resulta nito.
Inaasahan umano na nasa mahigit isang libong COVID-19 test samples kada araw ang kayang iproseso ng laboratory.
“Nagko-coordinate po kami sa inyo po, at tinatarget po natin itong molecular laboratory na ito ay ma-operate sana before end of September or early October para po may sarili na pong molecular laboratory ang Lungsod ng Parañaque,” ayon kay Mayor Olivarez.
Sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa lugar, inaasahang magiging katuwang sa mga interbensiyon ng pamahalaan ang naturang pagtatayo ng mga laboratoryo sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa mga komunidad na may pinakamataas na naitalang kaso ng coronavirus disease.
Kasabay dito ang pagbili ng apat na automated reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) machines.
Bukod sa napapadali ang testing, masasabayan din anila ang pagbaba ng bilang ng death toll kung saan naitala rin ang mataas na recovery sa lugar sa mabilis na paghihiwalay sa mga may nagpositibo sa COVID-19 virus.