Panahon na naman ng tag-init at bukod sa magbabad sa tubig, ano nga bang magandang gawin sa ganitong panahon kundi kumain at uminom ng malalamig na pagkain at inumin. Kahit pa nga summer, uso pa rin ang magkasakit, lalo pa nga’t napakadali nating pagpawisan at hindi maiiwasang matuyuan ng pawis. Alam mo ba kung ano ang epektibong panlaban dito at pampalakas ng immune sytstem? Mint!
Ano nga ba ang mint?
Ang mint ay isang uri ng herb na may taglay na flavor ng menthol. Malamig ito sa bibig, tamang-tama ngayong summer.
Ngunit bukod sa pwede itong gawing juice o ihalo sa pagkain, alam mo ba na marami rin itong taglay na health benefits?
Health benefits ng mint
Ayon sa Macrobiotic Nutritionist at Health Practitioner na si Shilpa Arora ND, ang mint ay may “powerful antioxidant properties.” Mainam itong pang-manage ng blood sugar levels at panggamot sa mga sakit sa balat.
Ngayong tag-init, maganda rin itong isama sa ating pagkain dahil sa taglay nitong lamig. Nakakatulong ito sa digestion dahil sa dala nitong menthol, na siyang active oil ng mint. Ini-stimulate nito ang digestive enzymes na tumutulong upang mas epektibo na ma-absorb ng ating katawan ang nutrisyon na mula sa pagkain.
Bunsod nito, nakakatulong din ang mint sa ating diet dahil mababa ito sa calories at maganda sa metabolism, na siya namang nakakatulong upang mapabilis ang pagbabawas ng ating timbang.
Sa karagdagan, maituturing din ang mint na isa sa pinakamurang home remedies na pampalakas ng ating immune system dahil sa taglay nitong iba’t-ibang uri ng antioxidants. Nakakatulong ito upang maiwasan ang free radical activity sa ating katawan. Mayaman din ito sa anti-inflammatory properties na siya namang nakakatulong maibsan ang anumang sakit sa katawan na dulot ng lagnat at sipon.
Paggawa ng mint drink
Kaya, upang makuha ang mga health benefits ng mint, maaari itong ihalo sa inumin.
Kumuha lamang ng ilang pirasong dahon ng mint na maaaring mabili sa supermarket, ihalo sa tubig at hayaan muna sa loob ng ref ng buong gabi. Maaari mo rin itong lagyan ng lemon para mas malasa.
Inumin ito sa umaga o unti-unti buong araw. Maaari itong gamiting pang-detox sa katawan at nakakapagpaganda rin sa ating balat.